
Regine Velasquez renews contract with GMA
by PSR News Bureau
Muling pumirma ng dalawang taong kontrata ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez at patuloy pa rin itong magiging isang Kapuso. Naganap ang contract signing kahapon na ginanap sa GMA Network building. Kaagad naming ibinalita ito ng misis ni Ogie Alcasid sa kanyang social media accounts. Ayon sa singer-actress, excited na siya na maumpisahan ang isang bagong teleserye na kanyang gagawin. Isang light drama-comedy ang teleserye na unang magiging proyekto ni Regine pati na isang musical variety show na pawang mga nakatakda niyang gagawin sa Siyete.
Aniya, na-miss din niya ang paggawa ng teleserye kaya’t sobrang excited siya para rito. Ang huli niyang soap opera na nagawa ay ang I Heart You Pare nila ni Dingdong Dantes. Hindi pa nga niya ito natapos dahil ito yung mga panahong nabuntis siya at naging anak si Nate. Pinalitan siya rito ni Iza Calzado. Wala naman daw siyang anumang pagsisisi na iniwanan ang show para sa anak. “Pero alam mo yung ganung feeling na na-miss mo nang sobra? Ganun yung intensity nung excitement ko para sa bago kong teleserye,” sabi pa ni Regine.
Present sa nasabing contract signing ni Regine sa GMA sina Cacai Velasquez-Mitra, GMA executives na sina Atty. Felipe L. Gozon, Chairman and CEO; Lilibeth Rasonable, Senior Vice President for Entertainment TV; Darling de Jesus, Assistant Vice President for Magazines, Musicals, Variety, and Specials.
Bukod sa nasabing teleserye, handa na rind aw si Regine na muling magpakilig, magpasaya at magpatawa para sa bagong inihahanda niyang musical variety show with a twist. “This is the first time na gagawa ako ng musical variety show na may kaunting comedy. May skit talaga kami na gagawin every episode kaya hindi lang siya kantahan, magpapatawa rin ako dito.”
Alam n’yo naman, di ba, may pagkakomedyante rin ako!” chika pa ng Songbird. At dahil nga musical variety-comedy show ang gagawin ni Regine, nilinaw naman ng GMA executives na hindi nito papalitan ang Sunday PinaSaya nina Ai Ai delas Alas, Alden Richards, Jose Manalo at Wally Bayola.
Mataas pa naman ang ratings ng show nila kaya’t walang dahilan para tanggalin ito. Sino ang gusto mong maging leading man sa bago mong teleserye? “Hindi ko pa alam kung sino ang makukuha for the role. Pero kung may choice ako, pwede bang si Alden [Richards]? Hahaha! Si Alden talaga! O, bakit, puwede naman kaming magtiyahin! Kayo talaga! Ayaw ni Yaya Dub!” tawang biro pa ni Regine.
Ikinuwento pa niya kung paanong nagulat ang anak na si Nate nang magsalita na si Yaya sa kalyeserye ng Eat Bulaga. Certified AlDub fan daw ang bagets.
Magkakaroon din ng Valentine concert ang Songbird kasama sina Martin Nievera, Erik Santos at Angeline Quinto.