
Kuya Germs will be welcomed in heaven by friends—Ike Lozada, Helen Vela and Inday Badiday
by PSR News Bureau

Ngayong araw ng Huwebes, January 14, nakatakdang ihatid sa kanayang huling hantungan ang magaling na star builder, mentor at Master Showman na si German “Kuya Germs” Moreno. Ipinanganak si German Molina Moreno noong October 4, 1933 at nag-umpisa siya bilang isang maintenance personnel o janitor at telonero (taga-bukas at sara ng telon sa sinehan) sa Clover Theater noong araw bago tuluyang pumalaot sa mundo ng showbiz bilang isang TV host, aktor, komedyante at talent manager. Ang kanyang kauna-unahang big break ay dumating nang gampanan niya ang papel ni Hesukristo para sa Manila Grand Opera House na siyang naging daan upang makilala siya bilang komedyante sa bodabil stage matapos ang panahon ng giyera.
Mula noon ay nakagawa na ng ilang pelikula si Kuya Germs sa ilalim ng Sampaguita Pictures, ang kilalang producers ng mga sikat na artista noong araw. Ilan sa mga nagawa ni Kuya Germs ay ang Dance O-Rama, Mga Batang Iskwater, Class Reunion at Mga Batang Bakasyunista. Sa kanyang pagtatrabaho sa Sampaguita, nakilala ni Kuya Germs ang isa sa kanyang pinakamatalik na naging kaibigan, si Ike Lozada na kanya ring naging co-host sa ilang mga naging proyekto niya ng mahabang panahon.
Sa kanyang kasanayan sa hosting, naging disc jockey rin siya bilang sidekick ni Eddie Ilarde sa radyo sa programang “Ngayon Naman” sa CBN. Taong 1969, lumipat siya sa DZTR upang pansamantalang humalili sa kaibigang si Helen Vela kasama sina Bingo Lacson at Ben David. Nagustuhan siya ng management kaya’t binigyan siya ng sariling palabas sa radyo ang “Bisita Artista,” na sinundan naman ng “Music Factory” kasama sina Ike Lozada at ang isa pa nilang naging kaibigang si Inday Badiday. Ginawa rin ni Kuya Germs ang “Guy and Pip Song Festival.” Nananalaytay sa dugo ni Kuya Germs ang radyo at minahal niya ang trabahong ito hanggang sa mga huling sandali ng kanyang buhay kung saan mayroon siyang show sa DZBB araw-araw sa ganap na 2:30 ng hapon.
Bagamat nagdadalamhati ang buong industriya ng showbiz sa pagpanaw ng TV at radio host, sigurado naman ang Philippine Showbiz Republic (PSR.ph) na magiging masaya na ito saan man siya ngayon naroroon. Magkakasama nang muli sila ng kanyang mga naging matalik na kaibigan dito sa lupa gaya na lamang ng yumaong sina Lourdes “Ate Ludz a.k.a. Inday Badiday” Carvajal, Helen Vela, at siyempre, si Ike Lozada.
Matatandaang naging super close silang apat na magkakaibigan. Hindi matatawaran ang kanilang naging samahan noong panahong nabubuhay pa sila. Nang isa-isang pumanaw ang kanyang mga kaibigan, matindi rin ang lungkot na naramdaman ni Kuya Germs at labis rin siyang nangulila sa mga ito. Sa tulong ng mga taong nagmamahal sa kanya, kahit paano’y naibsan ang lungkot at kapighatian sa puso ni Kuya Germs. At ngayon nga ay ang panahon na muli na silang magkikita at magkakasamang apat na magkakaibigan sa langit, muling magbabalik ang halakhak, ngiti at kagalakan kay Kuya Germs sa kabila ng paglisan niyang ito sa lupa upang siya’y tumungo na sa kabilang buhay—na mas masaya at puno ng kapayapaan.
Ang mga alaala na iniwan ni Kuya Germs sa atin ay hindi na natin makakalimutan. Tulad ng mga hinahangaan nating artista na kanyang natulungan, nawa’y magsilbi silang mabuting huwaran sa ating lahat. Nasaan man si Kuya Germs ngayon, hangad ng Philippine Showbiz Republic (PSR.ph) ang katahimikan ng kanyang kaluluwa.