
Edward Benosa guests in Lani Misalucha’s Valentine Concert
by Rodel Fernando
Edward Benosa guests in Lani Misalucha’s Valentine Concert“`
Wala pang isang taon sa music industry si Edward Benosa pero masasabing may napatunayan na ito sa kanyang karerang napili. Ang self-titled album niya under Star Music ay gumawa na ng ingay sa recording scene. Sa katunayan, ang carrier single ng naturang album na “Di Man Lang Nagpaalam” ay nagta-top sa mga radio stations at paborito itong patugtugin dahil na rin sa maraming requests na natatanggap mula sa mga tagapakinig. Samantalang ang music video ng kanta ay marami na rin ang nakapansin at nakakuha pa ito ng nominasyon sa nakaraang 7th Star Awards for Music ng Philippine Movie Press Club.
Hindi lamang ito ang mga tagumpay na naabot ng tinaguriang ‘Romantic Pop Balladeer’ dahil ang pagkakahirang niya bilang 2015 Best New Male Recording Artist ng Star Awards for Music ay naging simula ng kanyang lalong pag-angat sa kanyang mga kapanabayan. Isa itong karangalang hinahangad ng mga baguhan na nakuha niya dahil na rin sa kanyang husay, galing at determinasyon sa kanyang trabaho.
Siguradong malayo pa ang mararating ni Edward. Sa ngayon ay pinuputakti siya ng offer sa mga corporate at out of town shows. Kabilang pa sa mahalagang kaganapan sa kanyang career ay ang magiging bahagi siya sa Valentine concert ng isa sa sikat na mang-aawit ng bansa na si Lani Misalucha.
Para sa kanya, isang malaking karangalan ang makasama ang pamosong singer sa isang malaking konsiyerto na magaganap sa February 14 at 15 sa Newport Performing Arts Theatre sa Resorts World Manila. Ipapamalas dito ng binatang singer ang husay niya at galing sa pag-awit, at ang paghaharana niya sa mga manonood na tiyak na kikiligin at mai-inlove sa kanyang performance.
Marami pang aabangan kay Edward ngayong 2016. Nakatakda kasing maganap ang kanyang kauna-unahang solo concert ngayong buwan ng Abril. Sisimulan na rin ang kanyang second album. Ngayong taong ito, hindi kataka-taka na lalo pang titingkad ang kanyang pangalan at magiging malaking personalidad siya sa entertainment world.