
2015 Cinema One Originals film festival at 11 celebrates cinema with a difference
by Archie Liao
Kakaiba ang 2015 Cinema One Originals dahil mas pinaigting at kaabang-abang ang mga kalahok na mga pelikula ngayong taon ayon na rin mismo sa festival director nitong si Ronald Arguelles.
Siyam na pelikulang may mga kakaibang kuwento ng drama, komedya, romansa at animasyon ang magpapasiklab sa atin ngayong ika-11 taong edisyon ng Cinema One Originals.
Nakakaaliw ang kuwento ng “Miss Bulalacao” ni Ara Chawdury tungkol sa isang drag princess na nagbuntis pagkatapos mabalitang kinidnap ng mga aliens. Isang docu-drama naman ang “Dahlin’Nick” ni Sari Dalena tungkol sa makulay na buhay ng National Artist for Literature na si Nick Joaquin na ngayon pa lang matatalakay sa pelikula. Tungkol naman sa isang dating sikat na aktres na misteryo ang naging pagpapatiwakal ang kuwento ng “The Comeback” ni Ivan Andrew Payawal.
Isang comedy-drama-animation naman ang handog ng “Manang Biring” ni Carl Echague Papa tungkol sa pagsisikap ng isang terminally-ill mother na pahabain pa ang kanyang buhay para makapiling ang kanyang mga mahal sa buhay.
Kamangha-manghang action drama naman ang hatid ng “Dayang Asu” ni Bor Ocampo tungkol sa isang anak na gustong patunayan sa kanyang ama na kaya niyang mabuhay sa isang malupit na mundong binabalot ng korupsyon.
Isang youth drama naman ang “Mga Rebeldeng May Kaso” ni Raymond Red na tungkol sa epekto ng 1986 EDSA revolution sa mga kabataang bilanggo ng kanilang mga pangarap.
Makaka-relate ka naman sa “Baka, Siguro, Yata” na tungkol sa iba’t-ibang kuwento ng pag-ibig sa tatlong henerasyon at kung ano ang kanilang mga pananaw sa “That Thing Called Pag-ibig.”
Napapanahon naman ang tema ng “Hamog” ni Ralston Jover tungkol sa buhay ng mga streetchildren na sumisinghot ng rugby at pakalat-kalat sa mga lansangan.
Nakapangingilabot naman ang tema ng “Bukod Kang Pinagpala” ni Sheron Dayoc tungkol sa kalunos-lunos na relasyon ng mag-inang pinaghiwalay ng religious fanaticism.
Bukod sa full-length feature films, ipalalabas din ang mga shorts na “Junilyn Has” ni Carlo Manatad, “Sanctissima” ni Kenneth Lim Dagatan,“Dindo” ni Pam Miras, “Pusong Bato” ni Martika Escobar,““Reyna Christina” ni Pia Dimagiba,“Memorya” ni Jovanni Tinapay,“Mabuhay ang Pilipinas” ni Bor Ocampo,“Anino” ni Raymond Red,“A Love Story” ni Steven Baker at “The Tenant” ni Mohsen Mahkmalbaf
Ang mga digitally restored at remastered Pinoy classics na “Insiang” ni Lino Brocka, “Ikaw ay Akin” ni Ishmael Bernal, “Karnal” ni Marilou Diaz Abaya at “Sana Maulit Muli” ni Olivia Lamasan ay mapapanood din sa sampung araw na filmfest.
Bongga naman ang line up ng foreign films tulad ng “The Assassin” ni Hou Hsiao-Hsien (Taiwan), “Journey to the Shore” ni Kurosawa Kiyoshi(Japan), “Right Now, Wrong Then” ni Hong Sang-Soo ( South Korea), “Interrogation” ni Vetri Maaran (India),“The President” ni Mohsen Makhmalbaf (Georgia/Iran),“Arabian Nights” ni Miguel Gomes (Portugal),“The Lobster” ni Yorgos Lanthimos (Ireland),“Rams” ni Grimur Hakonarson (Iceland),“The Treasure” ni Corneliu Porumboiu (Romania), “A Pigeon Sat on a Branch Reflecting on its Existence” ni Roy Andersson (Sweden) at “Mustang” ni Deniz Gamze Erguven (France).
Ang 2015 Cinemaone Originals ay mapapanood simula November 8 hanggang 17 sa Trinoma, Glorietta 4, SM Megamall at Resorts World Manila cinemas.
Ang CinemaOne Originals ang isa sa pinakaaabangang piyesta ng mga indie films na naghatid sa atin ng mga hindi makakalimutang obra tulad ng “That Thing Called Tadhana”, “Confessional,”“Ang Damgo ni Eleuteria,” “Six Degrees of Separation from Lilia Cuntapay,” “Esprit de Corps,” “Lorna,” “Shift” at marami pang iba.