
2015 MMFF Official Entries named
by PSR News Bureau
Pangungunahan ng mga pelikula nina Vice Ganda, Kris Aquino, Vic Sotto at Ai Ai Delas Alas ang nalalapit na 41st Metro Manila Film Festival [MMFF]. Pinangalanan na ang walong opisyal na kalahok na pelikula para sa taong ito. Siguradong magpapasaya at tatangkilikin na naman ito ng mga manonood simula December 25.
Magiging entry ni Vice Ganda at Coco Martin ang pelikulang una nilang pagsasamahan na may pamagat na “Beauty and the Bestie,” sa direksiyon ni Wenn Deramas.
Ang dating MMFF 2013 best actor na si Robin Padilla naman ay makakatambal ang Japanese adult video star na si Maria Ozawa para naman sa pelikulang “Nilalang” [The Entity] mula kay Pedring Lopez.
Ang Multi-Media Queen naman na si Kris Aquino ay mayroon ding kalahok na pelikula na pinamagatang “Mr. and Mrs. Split,” katambal ang kanyang ex boyfriend na si Mayor Herbert Bautista at kasama pa ang kanyang bibong anak na si Bimby Aquino Yap na idi-direct ng magaling na direktor na si Antoinette Jadaone para.
Si Vic Sotto at Comedy Queen Ai Ai Delas Alas naman ang siyang bida sa pelikulang “Rom-Comin Mo Ako,” na pagbabalik-tambalan ng dalawa sa ilalim naman ng direksiyon ni Jose Javier Reyes para sa APT Entertainment at MZET Films.
Ang iba pang kalahok ay ang mga sumusunod: “Death and Senses,” na pinagbibidahan nina Rayver Cruz at Jason Gainza, Jun Lana’s “Haunted Mansion,” na pinangungunahan nina Janella Salvador, Mario Mortel, at Jerome Ponce; “Hermano Puli” na pinagbibidahan ni Aljur Abrenica, Enzo Pineda at Alessandra De Rossi na ididirehe ni Gil Portes at ang “Walang Forever” ni Dan Villegas kung saan bibida sina JM De Guzman at Jennylyn Mercado. Si Villegas ang nag-direk ng hit comedy film noong nakaraang MMFF na “English Only, Please,” na nagbigay kay Mercado ng kanyang kauna-unahang pagkilala sa pag-arte.
Ayon sa Metro Manila Development Authority Chairman Francis Tolentino, pinuno ng MMFF Executive Committee, “Ang mga naka-lineup na pelikula ngayon ay siguradong mae-enjoy ng kahit anong edad, mula sa mga kabataan at mga matatanda, mayroon tayong historical, drama, horror at comedy na siguradong ikatutuwa ng mga manonood.”
Pumili rin ng dalawang pelikula na magsisilbing reserba kung sakaling hindi umabot sa deadline ang walong opisyal na kalahok na pelikula. Pinili bilang reserba ang “Conman” ni direk Erik Matti [pinagbibidahan nina Meryll Soriano at John Lloyd Cruz] at “Lakambini” [Lovi Poe] ni Jeffrey Jeturian.
Ang 2014 ang pinakamatagumpay na MMFF matapos tumakbo sa takilya ang mga pelikulang kalahok sa nasabing pestibal na umabot sa P1bilyong piso.