
BG Productions International revel on their success with more projects for 2016
by Rodel Fernando
Sa ginanap na birthday celebration noong February 4 sa New Horizon Hotel ng binansagang “Queen of Indie Film Producer” na si Ms. Baby Go ay tatlong pelikula ang ipinakilala na nakatakdang gawin para sa 2016. Masaya at maaliwalas ang mukha ng lady producer nang humarap sa press conference at launching ng tatlong pelikulang nakatakdang gawin ng kanyang kumpanyang BG Productions International. Masasabi ngang isa na ang kanyang film outfit sa kinikilala ngayon dahil sa dami ng mga pelikulang ginagawa nito.
Unang-una sa mga pelikulang gagawin ng kanyang kumpanya this year ay ang “Nuclear Family” na mula sa panulat at direksyon ni Jason Paul Laxamana. Bida sa pelikulang ito sina Ara Mina at Martin Del Rosario. Ang “Nuclear Family” ay tungkol sa isang biyuda na yumaman sa kickback mula sa mga kurakot na proyekto ng gobyerno. Dahil wala na siyang asawa’t anak ay nag-aampon siya ng mga nakakabatang kalalakihan at tinatrato sila bilang anak at kalaguyo.
“Nakausap ko si Direk Jason Paul sa Vietnam, noong 2014 kung saan nagkaroon ng exhibit ang pelikula kong “Lauriana” at main competition ang “Magkakabaung” sa Hanoi International Film Festival. Doon ko siya kinausap na gusto ko siyang makatrabaho. Magaganda ang mga ideya niya, bago at kakaiba…” pahayag ni Ms. Baby Go sa Philippine Showbiz Republic (PSR.ph).
Pangalawang pelikula ng BG Productions sa 2016 ay ang “Sipahayo”(Dismay) sa panulat ni Eric Ramos at sa direksyong ng multi-awarded direktor na si Joel Lamangan. Pagbibidahan naman ito nina Luis Alandy at Joem Bascon. Kaabang-abang naman ang dalawang hunks na ito sa kanilang pagpapa-seksing gagawin. Kasama rin sa pelikula sina Alan Paule, Susan Africa at Elora Espano. Ang Sipahayo ay isang erotically charged drama tungkol sa isang pamilya na sisirain ng problema sa pera, paniniil ng malupit na ama, at tunggalian dahil sa mapang-akit na madrasta.Tinatalakay din nito ang mga problemang kinakaharap ng mga magsasaka, lalo na ang banta ng pagbibili ng higanteng korporasyon sa kanilang lupain para gamitin sa industriya at komersyo tulad ng shopping mall.
“Hindi kumpleto ang BG Productions, kung walang project si Direk Joel. Siya ang panganay ko sa aking produksyon, sa kanya kami nagsimula. Malaki ang tiwala ko kay Joel at hindi na kukuwestiyunin ang husay niya bilang direktor. Kakaibang putahe ang “Siphayo” na siguradong aabangan natin,” pagmamalaki ng batikang prodyuser.
At ang pangatlo sa pinakilalang pelikula ay ang “Area”(Magkera ka, Magkanu?) mula sa panulat ni Robby Tantingco (na sumulat ng award winning film na “Ari”) at sa direksyon ng award-winning director Louie Ignacio. Bida sa pelikula ang “comedy queen” Ms. Ai Ai Delas Alas kasama ang multi-awarded Best Actor na si Allen Dizon.
Ang pelikula ay tungkol sa mga babaing mababa ang lipad. Ang kaibahan ng mga babae sa ‘Area,’ ay simpleng babae sila, iba ang kanilang ganda, hindi lahat ay maputi at iba’t-ibang hugis. Ang mga casa ay mga ordinaryong bahay pag iyong tiningnan sa panlabas nilang anyo pero pagpasok mo ay kakaiba ang mundo.
“Napakabait at napakagaan ka-trabaho ni Direk Louie Ignacio. Tumutulong rin siya sa marketing ng pelikula. At hindi ko makakalimutan na nakatanggap kami ng award sa 14th Dhaka International Film Festival bilang Best Children Film sa kanyang movie na “Child Haus”. Iyong “Laut” lalaban naman sa London at Portugal, hopefully makapasok rin sa Australia. Excited ako sa “Area” kasi makaka-trabaho namin ang Comedy at Box Office Queen na si Ms. Ai Ai. Hindi lang niya kayo patatawanin dito sa pelikula kundi paiiyakin at hahangaan ang kanyang pagganap. International Film Festival ang target namin dito. Malakas ang kutob ko na dito mananalo ng international best actress si Ai Ai,” masaya na pahayag ni Mrs. Go.
Ganadung-ganado talaga si Baby Go sa paggawa ng pelikula. Malapit na ring umpisahan ang OFW film na “Balatkayo” na gagawin sa Dubai at Taiwan mula sa panulat ni Jason Paul Laxamana at direksyon ni Neal “Buboy” Tan na pagbibidahan nina Aiko Melendez, James Blaco at Rodjun Cruz. Inaayos na rin ang casting ng horror film na “Smell of Fear” mula sa direksyon ng Italian Director na si Paolo Bertola.
Siyempre pa, excited rin si Ms. Baby sa pelikulang “Tupang Ligaw” na ipapalabas simula sa February 17 samantalang ang “Laut” naman ay magkakaroon ng Premiere Night sa NCCA Auditorium at lalaban sa International Film Festival sa London at Portugal at ang pelikula namang “Iadya Mo Kami” na lalaban naman sa Ireland at Italy.
Bukod sa mga kaibigan sa media, sobrang nagpapasalamat si Mrs. Go dahil dinumog ang birthday bash niya. Naroroon din ang ilang mga artista na naka-trabaho niya, mga staff and crew, mga kaibigan at siyempre ang kanyang pamilya na todo ang suporta sa kanyang mga proyekto.
Sa mga tagumpay ngayon ng BG Productions International at ni Baby Go ay ito lang ang masasabi namin, sana ay lalo pang lumawak at lumaki ang kanyang kumpanya para dumami pa ang matulungan ng lady producer. Kilala rin kasi siyang matulunging tao at mapag-kawanggawa. Hindi siya katulad ng ibang producer na pera lang ang laging nasa isip. Si Baby Go ay maawain at malapit sa tao. Ayaw na ayaw niya ang may naaapi at lumalaban siya ng parehas.