
Edgar hits Mocha; Xian spends Valentine’s with Kim
Sa kanyang video blog noong Biyernes, February 17, binigyang pansin ni Mocha ang reklamo diumano ng followers niya tungkol sa maseselang eksena sa episode ng Ipaglaban Mo noong February 11 na may pamagat na Abuso.

Bida rito si Edgar Allan Guzman at Shy Carlos.
Ang pilot episode ng afternoon drama series na The Better Half ay binigyang pansin din ni Mocha na pinagbibidahan nina Carlo Aquino, JC de Vera, Denise Laurel at Shaina Magdayao.
Tinawag ni Mocha na mga “basurang programa” ang dalawang drama shows na ito na parehong napapanood sa ABS-CBN.
Nagbanta pa ang dating sexy actress na magbibitiw sa kanyang puwesto kung hindi niya matutupad ang pangakong tanggalin ang mga malalaswang eksena sa telebisyon.
Dahil sa pagtawag ni Mocha na basura ang episode nina Allan at Shy sa Ipaglaban Mo ay nasaktan ang aktor.
Sa kanyang Instagram account ay sinagot niya si Mocha. Sabi niya, “Mawalang galang na po MOCHA, kilala mo ako simula pa noong nagkatrabaho tayo sa TV5.
“Hindi ko matanggap na sabihin mong BASURA ang pinaghirapan naming episode ng IPAGLABAN MO.
“Kung mayroon kang reklamo ukol dito, dumaan tayo sa tamang proseso. May due process sa mga reklamo sa MTRCB – at bilang Board Member, mas maganda kung pag-uusapan ito nang maayos, hindi yung nanlilibak at nagwawala ka na sa social media blog mo.
“Mabuti pa ang MTRCB Chairman ninyo na may itinakdang pagpupulong tungkol dito bukas at hindi yung nag-iingay ka na agad.”
Sa huling bahagi ng kanyang post, pinatamaan ni Edgar Allan ang mga pelikulang ginawa noon ni Mocha.
“At sa huli’t huli, itataya ko ang munti kong pangalan sa industriyang ito na mas maayos naman ang episode namin sa IPAGLABAN MO kaysa sa mga pelikula mong BUTAS 2 (2012) at SEKSING MASAHISTA (2011).”
“Please konting RESPETO naman sa mga artistang Pilipino at oo, RESPETO rin sa tamang proseso bilang concerned na mamamayang Pilipinong nasa poder ngayon.”
Sa naging pahayag na ito ni Edgar Allan, ano naman kaya ang isasagot ni Mocha?
*************
Magkasama nung nakaraang Valentine’s Day sina Xian Lim at Kim Chiu. Nag-mountain climbing/hiking sila sa Mt. Pinatubo.
“Sinundo ko po siya sa bahay nila ng 3:00 am pupunta kasi kami ng Capaz, sa may Tarlac. Dun kasi yung meet up point ng 5:30 am papunta sa Mt. Pinatubo,” sabi ni Xian
Patuloy niya,” Tapos pagkadating po namin ng Capaz, from kotse namin, sumakay kami sa 4×4 wheeler truck, tapos siguro mga two hours pa yun from base camp yata yun.”
Ayon pa kay Xian, noon pa raw nila pangarap ni Kim na mag-moutain climbing/hiking. Itinaon na lang daw nila ito sa Araw ng mga Puso.
Anong Valentines gift niya kay Kim?
“Last week ko pa po binigay yung gift ko sa kanya. Binigyan ko siya ng bulaklak saka pulang bike. Mahilig kasi siyang mag-bike ngayon. Gumigising siya ng 3:00 am para lang mag-bike,” natatawang kwento pa ni Xian
Kahit laging sinasabi nina Xian at Kim na magkaibigan lang sila at wala pang relasyon, marami ang hindi naniniwala. Mag-on na raw talaga sila, pero ayaw lang nilang umamin.
Ang sabi ni Xian tungkol dito, “May tamang panahon naman po para diyan. May tamang panahon naman po para umamin.”
*************
Sa April 9 ay magkakaroon ng concert ang Prince of Ballad na si Gerald Santos sa SM North, Edsa, Skydome at 7:00 pm billed as “Something New In My Life.”
Special guest niya rito ang The UP Concert Chorus at si Ms. Regine Velasquez.
Siguradong ang gabing ito ng concert ni Gerald ay isang gabing hindi malilimutan ng mga manonood nito dahil kapag nag-concert ang binata ay talagang binibigay niya ang the best performance niya at talagang piling-pili at magaganda ang kanyang mga kinakanta.

Sobrang happy si Gerald dahil finally ay naging guest niya na sa kanyang concert si Regine.
Noon pa raw kasi, sa kanyang mga nagdaang concert ay kinukuha niya na ang Asia’s Songbird na maging special guest niya dahil idol niya ito. Lagi naman daw itong hindi pwede dahil may natanguan ng ibang commitment.
Naku, siguradong mas gaganahan si Gerald na mag-perform sa kanyang concert dahil kasama niya rito si Regine.