
300 stars to be recognized by FDCP tonight
Suportado ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan at mga key players sa entertainment industry ang ikasandaang taon ng pelikulang Pilipino.
Ngayong araw, Setyembre 12, pararangalan ng Film Development Council of the Philippines sa pamumuno ni Liza Dino-Seguerra ang higit sa 300 mga bituin na nagbigay ng kanilang kontribusyon sa ikasusulong ng industriya sa okasyong Sine Sandaan: Celebrating the Luminaries of Philippine Cinema.
Gaganapin ito sa New Frontier Theater sa Quezon City kung saan bibigyan ng pagpupugay ang mga buhay na alamat, mga natatanging alagad ng sining at mga buhay na bayani sa likod ng kamera.
Magkakaroon din ng musical extravaganza bilang selebrasyon ng sentenaryo ng pelikulang Pilipino.
Partners sa makasaysayang pagdiriwang na ito ang CMB Film Services at ang ABS-CBN na magpro-provide ng media coverage kasama ang Department of Tourism (DOT), Araneta Group at Fashion Designers Association of the Philippines (FDAP).
Magiging highlight ng nasabing okasyon ang pagpupugay sa “Dalagang Bukid” ang obra ni Jose Nepomuceno na itinuturing na kauna-unahang Pinoy-produced and directed feature film.
Bilang pambansang pagdiriwang, ang ABS-CBN, ang nangungunang TV network sa bansa ay magiging kabalikat sa pag-eere ng natatanging okasyon.
“Taos-puso kaming nagpapasalamat sa suporta ng lahat sa Sine Sandaan, kabilang na ang ABS-CBN sa kanilang coverage ng makasaysayang okasyong ito para masaksihan ng bawat Pilipinong nagmamahal sa kanilang kultura at pamana sa pamamagitan ng medium ng pelikula at telebisyon,” ani FDCP Liza Diño.
“Umaasa rin kami sa suporta ng iba pang stakeholders sa Sineng Sandaan sa susunod na taon pati na sa buong industriya ng pelikulang Pinoy. Naniniwala rin akong ito ang tamang pagkakataon para magbuklod-buklod tayo bilang isang industriya dahil nasa pagkakaisa ang lakas,” dugtong niya.
Ang nabanggit na kaganapan ay susundan ng Pista ng Pelikulang Pilipino kung saan sampung de-kalibreng pelikulang Pinoy lamang ang mapapanood sa buong bansa sa loob ng isang linggo mula Setyembre 13 hanggang 19.
Ang PPP na nasa ikatlong taon na ngayon ay inihahatid ng Film Development Council of the Philippines sa pakikipagtulungan ng Frontrow International, Cinema Exhibitors Association of the Philippines (CEAP) at CMB Film Services.
Major sponsors naman ang Fire and Ice Productions, ThinkBIT Solutions, Toronto Film School and Yorkville University, Bicol Isarog Transport System, Inc., at Novotel Manila.
Kaagapay din sa proyektong ito ang Solar Entertainment Corporation, Sinag Maynila, CNN Philippines, PUBLICITYASIA, PEP.ph, Inquirer.net, InqPOP!, at Rank Magazine.