
3:16 boss Len Carillo set to do mainstream, advocacy film
Masaya ang talent manager na si Len Carillo dahil napapansin na ang mga grupong Clique 5 at Belladonas na kanyang pinasikat.
Katunayan, nagdiwang ang mga ito ng kanilang unang anibersaryo sa showbiz kahapon.
Successful din ang naging concert ng tinitiliang Clique 5 ngayong taon kaya marami pa raw siyang bonggang mga projects para sa mga ito.
Hindi rin pahuhuli ang sexy dance group na Belladonas dahil expected na mas hahataw daw ito this year.
“Marami pa akong plano. May gagawin kaming movie. It’s a mainstream film na ididirek ni Carlo Obispo. Tapos meron kaming advocacy film na “CoDep” na tapos na. Ipalalalabas siya sa mga iskul. Idinirek siya ni Neal Tan,” pagbabahagi niya.
Isa raw advocacy film ang pinili niyang maging unang salang sa pag-arte ng kanyang mga talents dahil gusto niyang magbigay ng inspirasyon sa mga kabataan.
“Naisip naming mag-venture sa advocacy kasi hindi pa naman sila masyadong kilala. Target namin iyong mga students especially sa mga provinces. Para maging aware rin ang mga kabataan, kasi iyong movie is about drugs at iyong samang naidudulot ng drugs,so may aral siya,” paliwanag niya.
Bilang talent manager at may-ari ng 3:16 Events and Talents Company, napakalaking responsibilidad daw sa kanya ang pangalagaan ang kanyang mga talents.
“Napakahirap mag-manage kasi para ko silang mga anak na iba-iba ang personalities,” pakli niya.
Nilinaw din niya na pantay-pantay ang pagtingin niya sa kanyang mga talents at wala siyang favouritism.
“Actually, I treat them as my children. Mother din ako dahil may teenager ako . Iba iba rin ang upbringing ng mga bata, so iba-iba rin ang mga ugali kaya kailangan naming mag-compromise sa isa’t –isa. Pag nag-a-abroad ako, lahat sila kasama. Pag may binili ako sa isa, meron din iyong isa.
“Pag nagalit ako, hindi ako puwedeng magalit lang sa isa, kundi sa grupo. Kumbaga, ang mali ng isa, mali ng lahat,” esplika niya.
May mga house rules rin daw siyang sinusunod sa kanyang mga talents tulad ng ibang talent management company.
“Istrikto ako sa oras, sa pananamit at sa pananalita. Sa mga girls, bawal silang mabuntis for five years kasi iyon ang kontrata nila, pero allowed ko sila na magka-boyfriend as long na hindi napapabayaan ang trabaho at walang talu-talo sa grupo. Bawal ang ligawan sa grupo. Kung magkaka-boyfriend o girlfriend sila, sa labas na lang,” ani Len.
Bukod sa singing at acting, marami pang balak ang 3:16 Events and Talents big boss sa kanyang mga talents.
“Gusto ko rin silang matutong mag-host. Some of them, nakitaan ko na ang potensyal. Gusto ko silang hasain pa at mag-aral ng hosting para total package talaga sila,” pagwawakas niya.
Maliban sa pagsayaw at pagkanta, sumabak na rin sa acting ang Clique 5 at Belladonas sa pelikulang “CoDep” isang advocacy movie tungkol sa droga na balak nilang i-tour sa iba’t-ibang mga colleges and schools sa bansa.