
Coco Martin and Angel Locsin together for the first time in Maalaala Mo Kaya Special Two-Part Tribute for SAF 44
by PSR News Bureau
Matagal nang nais magsama sa isang proyekto ang award-winning actors na sina Coco Martin at Angel Locsin. Ngayon nga ay nabigyan na ng katuparan ito sa pagganap nila sa isang espesyal na episode ng “Maalaala Mo Kaya” (MMK) na two-part tribute para sa mga Special Action Force (SAF) commando na nasawi sa Mamasapano clash. Ang unang episode ng naturang MMK ay magsisimula ngayong Sabado (Abril 25).
“Gusto naming ipakita dito sa ‘MMK’ kung gaano kahirap yung mga pinagdaanan ng mga SAF commando.Dito nila makikita yung buhay ng mga bayani ng ating bayan bilang isang anak, kapatid, kaibigan, isang taong nagmamahal, at isang pulis. Sana mabigyan namin ng hustisya kung ano yung nangyari sa kanila,” pahayag ni Coco.
“Ito ay pagbibigay-pugay para sa mga kababayan natin na isinakripisyo ang kanilang mga sarili. Isa itong magandang paraan para mas mabigyang-halaga natin ang lahat ng ginagawa nila para sa ating bayan,” ani Angel.
Gagampanan nina Coco at Angel sa “MMK” special ang mga karakter ng pulis na si Garry at ang kanyang kasintahan na si Suzette na parehong paglalapitin at susubukin ang kanilang mga pangarap para sa isa’t-isa.
Ayon na rin mismo kay Coco sa naging panayam ng Philippine Showbiz Republic (PSR.ph) sa kanya sa isang mini press conference para sa espesyal na “MMK” episode na nabanggit, “Each time na nagmi-meet kami ni Angel, lagi na lang naming sinasabi sa isa’t-isa na sana magkaroon kami ng chance sa magtambal sa isang proyekto. Pero lagi na lang hindi magtagpo yung aming schedule. Kapag puwede ako, si Angel hindi. Pag siya naman ang puwede, ako naman ang hindi.”
Kaya’t nang ibalita sa kanya mismo ng aktres na matutuloy na ang matagal na nilang pangarap na magkasama sa isang proyekto, sobra ang saya nito para kay Coco. “Tumawag si Angel, sabi niya sa akin, ‘Co (palayaw ng aktor), ako na ang makakasama mo dito sa MMK.’ Kami na yung gumawa ng paraan para maging magkatrabaho kami,” pagsasalaysay pa ni Coco.
“Masaya ako bilang isang artista na mabigyan ng ganitong pagkakataon na makaganap ng isang pulis, at hindi sila basta ordinaryong pulis kung hindi sila ang pinakamatatalino at pinakamagagaling sa kapulisan. Mas naging aware ako na hindi biro ang hinaharap ng mga miyembro ng SAF. Masusing training ang kailangang pagdaanan at maraming sakripisyo ang kailangan gawin. Sa pagsali pa lang nila sa SAF, alam na nila na kalahati ng paa nila ay nakabaon na sa lupa,” kuwento ni Coco.
Hindi rin biro ang pinagdaanan nina Coco para gawin ang MMK two-part SAF episodes na ito. “Ang bigat nung vest, mga 35 kilos, tapos may boots ka pa at saka yung gun. Babagsak ka talaga kung hindi ka well-trained. Kaya konti pa lang yung tinatakbo namin, hirap na hirap na kami. Sobrang konti lang yung natatakbo kaya medyo malapit yung mga pagsabog. Parang totoong-totoo na nandun talaga ako sa Mamasapano.”
“Yung pagkatao nila Garry at Rennie (papel na gagampanan ni Ejay Falcon), very emotional sila bilang magkaibigan. Panghihinayangan natin sila pero pumasok sila sa SAF dahil gusto nila na magkaroon ng mapayapang Mindanao.”
Dagdag pa ni Coco: “Espesyal rin sa gaya kong artista ang makaganap ng isang mahalagang papel sa MMK, pag sinabi mo kasing MMK, alam mo na kaagad na kalidad na proyekto ang gagawin mo.”
Ang MMK SAF commando special tribute episodes ay iikot sa kuwento ng dalawang SAF commando na sina Garry Erana (gagampanan ni Coco Martin) at Rennie Tayrus (gagampanan ni Ejay Falcon). Makakasama rin nina Coco at Ejay ang award-winning actress na si Angel Locsin.
Tampok din sa kwento sina Malou De Guzman, Bembol Roco, Maricar Reyes, Ella Cruz, Rita Avila, Alex Medina, Efren Reyes, Trina legaspi, Denisse Aguilar, Johan Santos, Cha Cha Cañete, Michael Roy Jornales, Dang Cruz at marami pang iba.
Ang episode ay sa ilalim ng direksiyon ni Garry Javier Fernando at mula sa panulat nina Arah Jell Badayos at Benson Logronio.
Huwag palampasin ang unang bahagi ng tribute para sa SAF commandos sa longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK, ngayong Sabado, 7:15PM, sa ABS-CBN. Para sa iba pang updates, mag-log on sa MMK.abs-cbn.com.