
Philippine Showbiz Republic Exclusive: An interview with Derek Ramsay and girlfriend Joanne Villablanca
Asiwa pa noong una ang kasalukuyang non-showbiz girlfriend ni Derek Ramsay na si Joanne Villablanca sa una naming pagkikita. Hindi daw kasi sanay ang ramp model na nai-interview. Pero pinagbigyan pa rin nito ang Philippine Showbiz Republic (PSR) para sa isang eksklusibong panayam. Ngunit bago nangyari iyon, tumingin muna si Joanne kay Derek Ramsay na di kalayuan sa aming kinauupuan. Ngumiti ang aktor at hudyat iyon para simulan na ang aming kuwentuhan.
“Actually we have no common friends at all. Nagkita at nagkasalubong lang kami sa isang elevator nun. Then the next day, nagulat na lang ako and I don’t know how he got my number pero yun pala nakita niya ako sa isang Instagram at yung nag-post nun
is friend niya kaya hayun, dun nagsimula ang lahat,”
kuwento ni Joanne.
Samantala sa pag-uusap namin ni Derek nang magpunta ako sa bahay nito sa Taguig, sinabi nitong bumili siya ng bagong bahay sa Alabang at balak niyang ibenta ang bahay na naging pugad din noon ng pagmamahalan nila ni Angelica Panganiban noong sila ay may relasyon pa.
Ayon kay Derek bumili siya ng mas malaking bahay upang itira dun ang babaing magiging ina ng kanyang anak dahil hindi na raw siya tumatanda at kailangan na niyang magkaroon ng sariling pamilya.
May anak na si Derek Ramsay at ganun din naman si Joanne. At sa tingin ng ramp model mas magaan ang magiging buhay nila ni Derek dahil wala naman silang nakikitang problema sa kanilang relasyon.
“It’s not a problem naman dahil ako I have one (child) of my own at ganun din siya,” paglalahad ni Joanne.
Ano ang mga bagay na natuklasan ni Joanne kay Derek ngayong almost four months na silang mag-on?
“Baby siya, para siyang baby na kailangang alagaan, ganun siya. But he’s a family man, yun ang pagkakaalam ko sa kanya at nakikita ko sa kanya.”
Bilang isa sa mga kaibigan ni Derek ay kilala namin ang aktor na hindi siya bulgar na tao. Prangka siya pero ayaw nitong napapaglaruan ng publiko ang kanyang buhay.
“Actually mas okay naman ang mas private, kasi once na masyadong exposed ang relationship ninyo, dun pumapasok ang mga negative stuff, ang madaming tsismis so baka masira,” pag-aanalisa pa ng aktor.
Bukod sa mga kababaihan ay habulin din si Derek ng mga gays na mayayaman Hindi ba apektado si Joanne sa estado ng buhay ni Derek na isang ‘hunk ng bayan’?
“Mahirap, kasi minsan may pagka-selosa ako but I think kailangan kong tanggapin dahil artista siya,” sagot ni Joanne.
Maganda, modelo at puwedeng mag-artista rin si Joanne kung gugustuhin nito lalo pa at pinag-uusapan na rin siya sa showbiz world.
Mabilis ang pag-iling ng ulo ni Joanne, “No, hanggang commercials lang ako. Pero ang pag-aartista, ayoko!”
Bilang commercial model ay sampung taon na raw si Joanne sa nasabing larangan. Pero hindi ito naging masayadong active sa modeling. Pero nitong lumantad na si Joanne bilang nobya ng aktor ay hindi malayong may mag-alok sa kanya na mag-artista lalo pa at my libre na siyang publisidad mula kay Derek dahil siya ang huling babae nito matapos ma-link ang aktor kina Angelica Panganiban at Cristine Reyes.
Patapos na bang sasabihin ni Joanne na never siyang papasok sa movie industry?
“I think so. Never talaga akong papasok sa showbiz. Hindi ko kaya. Mas gusto ko ang tahimik na buhay,” ani Joanne.
Si Derek ay isang klase ng lalaki na naniniwala sa kasabihang “the best way to a man’s heart is through his stomach.” Gustong-gusto nito na ipinagluluto siya ng babaeng kanyang minamahal.
Napagluto na ba ni Joanne si Derek nang paborito nitong pagkain?
“Actually, nakakatawa dahil I really don’t cook. Recently lang ako parang nag-aral. I started sa mga basic lang like Vietnamese spring rolls at saka mga pasta, seared salmon, ganun lang muna, yung mga hindi complicated,” pagbabahagi pa ni Joanne.
So kelan ang kasal?
Tumawa ito at saka sumagot, “Wala pa, hindi ko pa alam, ayoko pang magsalita,” pagtatapos ni Joanne sa aming naging panayam.