
Nora Aunor slams PNoy administration on Mary Jane Veloso’s case
Sa kasagsagan ng apela ng sambayang Pinoy na maipagpaliban ang hatol na bitay sa OFW na si Mary Jane Veloso, nagpahayag din ng kanyang suporta at pakikisimpatiya si Nora Aunor.
Nakiisa ang Superstar sa panalangin ng mga Pilipino na hindi matuloy ang nakatakda sanang pag-firing squad kay Mary Jane na naka-schedule nitong Miyerkules ng madaling araw, April 29.
Nagbunga naman ang prayer vigil ng lahat. Dahil ilang minuto bago ang mismong execution ay naglabas ng utos ang Pangulo ng bansang Indonesia na huwag ituloy ang pagbitay sa Pilipinang nakasuhan ng drug trafficking nang makitaan nga ng droga ang dala nitong maleta.
Ito ay bilang tugon na rin sa apela ng pamahalaan ng Pilipinas sa pangunguna ni Pangulong Noynoy Aquino na ipagpaliban ang pagbitay kay Mary Jane para ma-review ulit ang naging kaso nito. Sinasabi kasing inosente si Mary Jane at naging biktima lang ito ng human trafficking. Hindi raw nga nito alam na ang maletang ipinabitbit sa kanya ay naglalaman ng ipinagbabawal na droga.
Hindi maiwasang matanong si Nora tungkol sa kaso ni Mary Jane. Malapit kasi sa puso ng aktres ang mga Overseas Filipino Workers (OFW). Tumatak nga sa lahat ang ginawa niyang pelikula noong 1995 na ‘Bagong Bayani: The Flor Contemplacion
Story’ tungkol sa OFW na si Flor Contemplacion na binitay sa Singapore.
Kagaya ni Mary Jane, pinaniniwalaang inosente din si Flor sa naging kaso nitong pagpatay sa kapwa Pilipinang OFW na si Delia Maga at sa batang Singaporean na inaalagan ng huli. Sabi nga ni Nora sa mga nakaharap ng Philippine Showbiz Republic (PSR), naniniwala siya na may naging pagkukulang daw talaga ang pamahalaan ng Pilipinas sa kaso ni Mary Jane.
“Noong nabalitaan natin noong araw na merong ganyan, dapat noon pa ay may nag-asikaso na. Malaki ang pagkukulang talaga ng pamahalaan. Kaya nga kailangan nating samahan ang mga nakikipaglaban, e. Para maipagtanggol ang mga kababayan natin na katulad ni Mary Jane.”
On the lighter side, masaya si Nora sa kanyang pag-alis patungong France. Dadalo siya sa Cannes International Film Festival kung saan kasali ang pelikula niyang ‘Taklub’ na idinirehe ni Brilliante Mendoza.
“Tungkol ito sa after na nung nangyari sa Yolanda,” sabi ng Superstar. Yung tungkol sa survivor, iyon ang kinunan namin doon. Masayang-masaya ako dahil ito bale ‘yung pangalawa na pelikulang naipasok sa Cannes.”
Tatlong dekada na ang nakakaraan nang unang maimibitahan sa Cannes si Nora na maging bahagi ng nasabing prestihiyosong international film festival ang kanyang pelikulang ‘Bona’ kung saan nakatambal niya si Phillip Salvador.
“Ako ang nag-produce nung ‘Bona’ noon. At dahil medyo kinapos, hindi kami nakahabol sa deadline. So ipinalabas na lang ito sa Director’s Night. Sobrang saya ko dahil ito ang pangalawang pelikula kong nakapasok sa Cannes, kasali sa mga entries na lalaban doon. Iyon pa lang, labis labis na ang pagpapasalamat ko,” sabi pa ng Superstar.”