
Manny Pacquiao returns home to hero’s welcome
Isang mainit at maingay na hero’s welcome ang sumalubong kay Manny Pacquaio nang dumating siya sa Pilipinas nitong Miyerkules ng umaga, May 13. Sa airport pa lang ay nagbubunyi na ang naroong mga tagsuporta niya sa kanyang pagbabalik.
Kahit kumikirot pa ang kanyang balikat na inoperahan, masigla pa rin siya at tila walang kapaguran na mula airport ay inisa-isa niya ang nasa kanyang itinerary sa buong maghapon hanggang gabi. Kabilang na nga rito ang motorcade, courtesy call kay Pangulong Noynoy Aquino, pagbisita sa ABS-CBN, at ‘yung red carpet na pagsalubong sa kanya sa GMA 7 na kanyang home network.
“Gusto ko pa ring mag-boxing,” pahayag ni Manny sa mga nakaharap na miyembro ng media. It’s not about sa pera o ano. Ang sa akin ay masaya ako na nagkaisa ang mga Pilipino noong laban ko. Buo ang suporta nila sa akin tapos nabibigyan ko ng karangalan ang bansa natin. Doon pa lang, masaya na ako. Kaya minsan kapag natatalo ako, tulad noong mga nakaraan e… napapaiyak ako dahil nabibigo ko ang mga kababayan natin,” saad ng Pambansang Kamao.
Tanggap naman daw ni Manny ang kanyang pagkatalo. Na-review na niya ang video ng laban nila ni Floyd Weather at base rito, ano ang naging analysis niya?
“Uunahin ko, hindi ako nagku-complain sa desisyon ng mga judges. Inirerespeto ko desisyon ng judges. Pero noong ini-review ko, para sa akin e panalo ako by two points. 7-5 ang score. Takbo nang takbo siya (Mayweather). At saka after four rounds, nagkaroon tayo diperensiya sa balikat so iyon ang dahilan. At saka takbo nang takbo. Ayaw niyang makipagdikit sa akin, e. Iyon talaga ang style niya. Inisip siguro niya na lugar niya ‘yun.”
Sa mga pagkakataon na niyayakap siya ni Mayweather na susundan nito ng suntok sa tagiliran niya, may mga kumukuwestiyon kung bakit wala raw aksiyon ang kanilang naging referre kaugnay nito.
Paniwala raw ni Manny… “May pagkukulang din ang referee doon. Pero hindi natin sisihin dahil malaking fight iyon. At saka hindi naman… minsan nagkakamali din ang referee.”
Marami ang nagsasabing bitin sila sa naging laban nina Manny at Floyd Mayweather. ‘Yung iba ay nagpahayag nga ng kanilang pagkadismaya na ang sagupaan ng dalawa sa pinakamagagaling na boksingero sa buong mundo ay ganoon lang ang kinalabasan ng kanilang fight na para lang daw naghabulan sa boxing ring.
Ayon kay Manny,“Maganda siguro ‘yung bitin. Para kung may pangalawa man ay excited pa rin silang panoorin.”
Si Mayweather, binawi ang unang sinabi na okay sa kanya na magkaroon sila ng rematch ni Manny. At sa ngayon ay balik ito sa pagta-trash talk laban sa Pambansang Kamao.
“Ayoko munang mag-comment sa mga sinasabi niya. Ang focus ko sa ngayon ay pagalingin ko ang balikat ko ng hundred percent. At saka siguro pag-usapan ‘yung kung may rematch o wala. Ang alam ko, panalo ako sa fight na ito. Dahil ‘yung goal ko is to glorify the name of the Lord. And for the frist time… Mayweather was thanking God before and after the fight.”
Sa itinakbo ng boxing career ni Manny, ikatlo na niyang pagkatalo ‘yung kay Mayweather. Ang una ay kay Timothy Bradley at ikalawa naman ay kay Juan Manuel Marquez. Sa mga pagkatalo niyang ito, ang lesson daw na kanyang natutunan ay: “Stand firm in the faith to the Lord.”
“Labis akong nagpapasalamat sa ating mga kababayan na nagkaisa sa pagsuporta. Talagang overwhelmed ako sa suporta at dasal ng sambayanang Pilipino dito sa fight na ito. Hindi ko makakalimutan ‘iyan.
Nagpapasalamat din ako sa Panginoon na naging okay ang lahat. Pati ‘yung successful ang operation ko sa shoulder ko and then’yung nakabalik kami sa Pilipinas nang ligtas.”