
How Marian Rivera finds her ‘twin sister’ Ai Ai Delas Alas
Naging kaibigan ni Marian Rivera si Ai Ai delas Alas nang magkasama sila sa pelikulang ‘Kung Fu Divas.’ At ngayong lumipat na sa GMA 7 ang actress-comedienne, marami ang nagsasabi na mas lalo pa silang magiging close.
‘Kambal’ na nga ang tawagan nila sa isa’t-isa. Hindi lang daw magkaibigan ang kanilang turingan kung hindi parang magkapatid na rin.
Sabi nga ni Marian, “Happy ako na ang kakambal ko ay isa na ring certified Kapuso. Natutuwa ako na sa simula pa lang nga ng pagkakaibigan namin ay nagtiwala siya sa akin agad na magkuwento ng buhay niya.”
“Nakakataba ng puso na itinuring niya talaga akong isa sa tunay na kaibigan, na parang kapatid din nga niya,” dagdag pa ni Marian.
Sabi naman ni Ai Ai, noong panahon daw ng kanyang kapighatian nang magsimula silang maging magkaibigan ni Marian.
“Lahat iyon, alam ko. Lahat ng pinagdaanan niya (Ai Ai), na-share na niyang lahat sa akin,” pagpapatunay pa ni Marian.
Ano ang hindi niya malilimutan sa mga nai-kuwento ni Ai Ai sa kanya?
“Si Kambal (Ai Ai) kasi ang tipo ng taong talagang nakapanata sa Panginoon. Kumbaga lahat ng anumang dumating sa buhay niya, maganda man ‘yan o may pinagdadaanan man siya… palagi siya kay Mama Mary. Hindi nawawala ang panata niya sa Panginoon. So ‘yun ang isa sa pinaka-gusto ko sa kanya.”
May mga lessons din ba siyang natutunan mula sa mga nai-share sa kanya ni Ai Ai?
“Maraming aral, pero ang isa sa masasabi ko talaga na nagustuhan ko sa kanya ay palagi siyang may oras para magpasalamat sa Panginoon sa lahat ng mga blessings na dumarating sa kanya. Palagi siyang nagpapa-misa. Palagi siyang may offer na kung anuman ang puwede niyang gawin para pasasalamat niya sa Panginoon. So iyon talaga ang nagmarka sa akin na ‘Ai Ai delas Alas’ talaga,” paliwanag pa ni Marian.
“Nami-miss ko siyang kasama. Kasi noon sa set (ng pelikula nilang ‘Kung Fu Divas’) kapag magkasama kaming dalawa niyan, wala kaming gagawin kung hindi tumawa nang tumawa, magharutan, maglaro, at kumain.”
May pinaplano raw na project na pagsasamahan ulit nila ni Ai Ai. Pero ayaw munang magbigay ng anumang detalye ni Marian hinggil dito.
“Ay, secret muna! Pero excited na kaming dalawa, sobra. Ewan ko lang kung hindi magulo ang araw ng lahat kapag nagsama na kaming dalawa ni Ai Ai.”