
Dennis Trillo and Maja Salvador in ‘You’re Still the One’
Akmang-akma sa situwasyon ngayon ni Dennis Trillo ang latest movie niya na may titulong “You’re Still The One.” Sinabihan na ba ni Dennis na “You’re Still the One” si Jennylyn Mercado? Hindi kasi namamatay ang tsismis na nagkabalikan sila.
“Kasi pag sinabi mong ‘You’re Still The One,’ dapat sigurado ka na talaga. So ako, parang wala pa naman ako sa ganoon,” bungad niya sa Philippine Showbiz Republic (PSR).
Pero posible ba siyang ma-in love ulit sa babaeng dating nakarelasyon niya o sa ex niya?
“Depende siguro sa pinagsamasahan niyo, kung ano ang mga pinagdaanan niyo nung nakaraan na relasyon pero hindi pa rin talaga masasabi eh. Nakadepende yun lahat sa mga sitwasyon,” medyo paiwas niyang sagot.
Hindi ba naga-apply ngayon sa present relationship niya?
“Posible siyang mangyari pero hindi siya nangyayari sa lahat ng relasyon. Meron sigurong pinipili, pero hindi siguro sa lahat naga-apply,” sabi niya na hindi matumbok ‘yung situwasyon nila ngayon ni Jennylyn.
Binabalikan ba siya ng former relationship?
“Hayun, posible po siyang mangyari,” tipid niyang sagot. Hindi na rin nasagot ni Dennis kung ilang percent na possible. Tinanong na lang namin si Dennis kung naniniwala ba siya na love is lovelier the second time around.
“Naniniwala rin naman. Katulad nung sinabi ko, depende sa situwasyon kung ano ang pinagdaaan ninyo dati. Kung papaano ulit ‘yung samahan ninyo ngayon,” bulalas pa niya.
Samantala, naikuwento rin ni Dennis na tatlong beses ang ‘tikiman’ nila ni Maja sa “You’re Still The One” at tatlong beses din kay Ellen. Naibuking niya na sobrang kabado si Ellen sa love scene nila kahit sexy ang image nito sa publiko. Pag titingnan mo si Ellen ay siya ‘yung artistang hindi na mag-aalinlangan sa mga maseselang eksena. Pero pagdating sa love scene nila ay sobrang kabado raw siya at kailangang meron pa siyang kailangang gawing ritwal.
Tanong tuloy ng press kung ano ang ritwal na ginawa ni Ellen? Uminom ba siya bago makipag-love scene? Pero hindi naman ito masagot ni Dennis. “Kinakausap ko po siya (Ellen) at may ritwal siyang ginagawa na pansarili para kumalma siya,” ani Dennis.
Ayon pa kay Dennis ang love scene nila ni Ellen ay naganap sa banyo, sa sofa at isa sa kama. Ang ‘tikiman’ naman nila ni Maja sa pelikula ay nangyari sa kitchen, bale paikot-ikot daw sa bahay. Saan dun ang pinakamainit na eksena?
“Siguro po yung kay Ellen dahil wala siyang inhibition sa mga eksenang ganoon kaya mas wild ng konti. Si Maja ay mas reserved lang ng konti pero ibinigay din po niya yung kinakailangan sa eksena talaga. Hindi niya ipinakita na nahihiya siya dahil sa pelikula ay may konting pagka-aggressive siya,” aniya pa.
Saan siya mas tinablan?
“Sa tatlong love scenes, meron pong isa dun,” pag-amin ni Dennis.
Naikuwento rin ni Maja na tinapik siya ni Dennis after ng kanilang unang love scene. Naitanong daw talaga ni Maja kay Direk Chris Martinez kung ano ang ibig sabihin ni Dennis sa pagtapik na ‘yun kung okay ba siya, kung magaling ba siya?
“Yun nga parang good job,” sabi ni Dennis.
Saan siya (Maja) good job?
“Sa kabuuan ng eksena,” pakli ni Dennis.
Nagtawanan din na pati si Maja ay tumatapik na rin sa shooting. At pati si Ellen ay tinapik din daw ni Dennis.
“Kasi, siya (Ellen) ‘yung mas kinakabahan kasi sa amin eh.” sambit niya.
Sumakay tuloy si Maja na akala niya siya lang ang tinatapik ni Dennis pero silang dalawa pala.
“Áctually pati si Sir Richard (Yap), tinapik din niya (Dennis),” pagbibiro ni Maja sabay tawa.
Sa mga sagot ni Dennis, parang may something di ba?
Kasama ni Dennis sa pelikulang ‘You’re Still The One’ sina Maja Salvador, Richard Yap, Ellen Adarna, Melai Cantiveros, Jason Francisco. Showing na sa May 27 handog ng Star Cinema at Regal Entertainment.