
‘Lord of Scents’ Joel Cruz denies relationship with Jason Abalos
Malalaki na ang kambal na anak ng ‘Lord of Scents’ na si Joel Cruz at may darating na namang siyang dalawang anak sa November. Manganganak daw sa October ang isang Russian girl. Same mother pa rin pero itinanim ‘yung egg cell sa sinapupunan ng ibang babae dahil nalalaglag daw. “Kaya magkakapatid pa rin sila. Isa pa rin ‘yung nanay nila at isa pa rin ‘yung tatay nila. Gusto ko boy and girl sana,” sambit pa niya.
May lovelife ba siya ngayon?
“Wala. Mukhang mahirap eh, lalo pa ngayon magkakaroon pa ako ng karagdagang mga anak,” bulalas niya.
Baka ma-in love siya sa ina ng mga bata?
“No. Never akong na-in love sa babae,” mabilis niyang sagot sabay tawa.
Tahasang tinanong ng Philippine Showbiz Republic (PSR) si Sir Joel kung naapektuhan ba siya na kung minsan hindi maiwasang i-link sa kanya ‘yung ibang male endorsers ng ‘Aficionado Germany Perfume’ at ‘Joel Cruz Signatures’?
“Kapag hindi totoo, doon ako mas concerned kasi kawawa naman ‘yung male endorser, hindi naman totoo. Like kay Jason Abalos. Tapos tinanong ko siya, sabi ko, ‘Uy nabalitaan mo ‘yun?’ Tapos sagot niya, ‘Sir, ganyan talaga dito sa showbiz, talagang pag-uusapan ka.’ Pero sabi ko sa kanya, ‘Awang-awa ako sa ‘yo baka mamaya, baka akala ng mga mga magulang mo, kapatid mo at relatives ay meron tayong relasyon pero wala naman, di ba?’ Parang wala lang sa kanya (Jason). Unang-una, wala naman talaga. Siguro pag ganoon, kukuha na lang ako ng iba. ‘Huwag nang gawing endorser ko kasi hindi naman ako ganoon na tipong sabik na sabik sa kanila,e. Ang dami rin namang guwapo na hindi endorser, di ba?,” honest niyang pahayag.
Samantala, naniniwala si Joel na hindi siya nagkamali kay Sarah Geronimo para maging endorser ng ‘Aficionado Germany Perfume.’ Limang taon din niyang niligawan ang Viva bago niya ito napapayag. Pinalitan ni Sarah ang dating endorser na si Charice na bumaba ang popularity sa biglaang transformation niya.
Walang maipintas si Joel sa ugali ni Sarah at hindi raw kagaya ito ng ibang artista na nasasangkot sa iskandalo. Nakikita raw niyang disiplinado itong tao at masunuring anak. “Isa siyang example na dapat i-idolize ng young generations ngayon. Very talented, may disiplina sa sarili at walang tsismis na mga negative. Di ba mahirap din ‘yun na ma-maintan mo ang character? Yung ibang personalities diyan panay negative ang sinasabi ng tao pero sa kanya (Sarah) wala akong naririnig na mga ganun,” deklara ng mayamang negosyante.
Hindi ba siya ‘nilumpo’ ni Sarah sa laki ng TF niya lalo’t may TVC ito?
Tumawa nang malakas si Joel. “Well, it’s like a gamble,no? Sa isang negosyo naman medyo sumusugal din kami, somehow ngayon na malaking budget din but good thing naman, two days ago nung ilabas ang mga product (pabango ni Sarah), may good news na,” bulalas niya.