
Darren Espanto made history during his birthday concert at the SM MOA Arena
By PSR News Bureau
Para sa isang batang dati ay nangangarap lang na makapag-perform sa MOA Arena, malaking bagay ang napatunayan ng The Voice Kids Philippines’ runner-up na si Darren Espanto nitong nakaraang Biyernes, May 29, nang mapuno nito ang SM Mall of Asia Arena kung saan naganap ang kanyang birthday concert. Maaga pa lamang ay dumagsa na ang fans ni Darren na pawang nakasuot ng mga damit na kulay green at mas kilala sa tawag na ‘Darrenatics.’ Bagamat alam ng Philippine Showbiz Republic (PSR) na isang magaling na singer-performer ang 14-year-old na si Darren, hindi namin inakalang ganun na ito kasikat. Madami pala talagang fans ang binatilyong ito dahil masasabing ‘international’ ang kanyang fans na ang iba’y dumayo pa talaga mula sa bansang pinagmulan nito para lang matunghayan nila at maipakita ang suporta sa kanilang iniidolo.
Bago pa man nagsimula ang nasabing ‘birthday concert’ ni Darren, sa tuwing ipinalalabas ang music video ng binatilyo sa isang wide screen ay hiyawan at tilian palagi ang kanyang fans dito. Lalo nang lumakas ang excitement ng buong MOA Arena nang lumabas na si Darren suot ang isang makinang na silver outfit. His opening number was a medley of fast and upbeat songs such as ‘Counting Stars’ ng One Republic, ilang Justin Bieber songs at ‘Maps’ ng grupong Maroon 5 kung saan ipinakita ng binatilyo na hindi lang siya mahusay sa pag-awit kung hindi maging sa pagsasayaw. Kasama nitong sumayaw ang sikat na grupong G-Force.
Para kaming nanonood ng isang sikat na Korean artist dahil sa ganda ng opening number ni Darren. Wala kaming itulak-kabigin sa nasabing production number dahil mula sa teknikalidad ng mga ilaw, maging sa pagpili ng mga dapat awitin hanggang sa level ng pereformance ng ‘The Voice Kids Philippines’ runner-up, alam mong pinagplanuhan ang konsepto nitong mabuti at talagang bongga ang nasabing concert.
Sumunod na inawit ni Darren ang ‘Wildheart’ ng grupong The Vamp na sinundan ng ‘Don’t Stop’ ng 5 Seconds of Summer. May mga green glowing lightsticks ang karamihan sa audience lalong-lalo na yung mga die-hard fans ni Darren. Nakabibingi ang tilian ng mga Darrenatics kaya’t kahit gusto mong ma-enjoy ang kanyang awitin, may mga pagkakataong medyo maiinis ka. Pero kailangan mong isaalang-alang na ang naturang concert ay ginawa talaga para sa kanila. Kaya’t kailangan mong pagbigyan at unawain na ang ‘birthday concert’ ni Darren was conceptualized para masiyahan sila.
Mababanaag kay Darren ay kasiyahan noong gabing iyon. Napaka-natural ng bata on stage. Hindi na nagtataka ang Philippine Showbiz Republic (PSR) kung bakit binansagan itong ‘total package or total performer’ dahil napakahusay ng bata para sa kanyang murang edad. “This is the best birthday ever,” pagdedeklara ni Darren sa audience. Para sa isang taong mula sa pagkabata sa edad na 2 ay umaawit na, napakahusay ni Darren. “I’ve been singing for the past 12 years. Nagpapasalamat ako sa lahat ng suportang aking natanggap mula sa aking mga magulang at sa mga Darrenatics. Mahal ko kayo lahat!,” sambit ni Darren na hindi makapaniwalang matutupad ang kanyang pangarap na makapag-perform at mapuno ang isang napakalaking venue tulad ng MOA Arena.
Nakatutuwang all-out support ang kanyang pamilya sa pangarap ni Darren. They have flown in the Philippines from the US para lang pagbigyan ang kanilang panganay na abutin nito ang kanyang mga pangarap. Hindi naging madali para kay Darren at sa pamilya nito ang kanilang set-up. Kinailangang pansamantalang magkahiwalay ang kanilang pamilya dahil ang ama ni Darren ay may trabaho sa Amerika habang ang kanyang ina at kapatid ay naririto upang samahan si Darren. “Nag-blowout ako sa mga magulang ko nang matanggap ko ang unang ‘talent fee’ ko,” kuwento ni Darren. Ang maganda sa binatilyo’y walang humpay ang kanyang pasasalamat sa fans at sa lahat ng tumulong sa kanyang karera.
Muntikan na ngang magkaroon ng sunog dahil sa isang problemang teknikal nang lumiyab ang isang special effect habang nagpe-perform si Darren, buti na lang at nag-spray agad ang production ng fire extinguisher kaya’t naapula at naagapan agad ito na tipong hindi naman pansin ng audience at maging ni Darren. Namataan naming nanood ng nasabing concert sina Kris Aquino (bilang suporta na rin sa anak nitong si Bimby Aquino-Yap, na isa sa mga guests), ilang miyembro ng grupong Azkals gaya nina Phil Younghusband at Anton Del Rosario, Darla Sauler (na infairness, may sariling fans!), Jed Madela at ang naging coach ni Darren sa ‘The Voice Kids Philippines’ na si Sarah Geronimo.
Speaking of Bimby Aquino-Yap, naging kaibigan nito si Darren magmula nang maging guest ang binatilyo sa ‘Kris TV.’ ‘Little brother’ kung ituring ni Darren si Bimby. Kuwela rin ang dance showdown nila ni Darren kung saan sumayaw sina Bimby at Darren ng medley ng novelty songs gaya ng ‘Mister Suave,’ ‘Totoy Bibbo,’ ‘Macho Guwapito,’ at ‘Boom Panes.’ Nag-enjoy si Bimby at nasabi nga rin nitong gusto din daw niyang magkaroon ng sariling concert. Hagalpakan ang audience sa tinuran ni Bimby kay Darren: “My tita Viel is obsessed with you,” pagbubuko pa ng bata. Si Viel ay isa sa nakatatandang kapatid ng ina nitong si Kris Aquino.
Maliban kay Bimby, naging guests ni Darren nang gabing iyon sina Robi Domingo (na sumayaw ng isang energetic dance number), ‘The Voice of the Philippines Grand Champions namely Mitoy Yonting [from Season 1], who had a show-stopping duet with Darren, Jason Dy and his runner-up who sang ‘Somewhere Over The Rainbow’ and ‘Stand Up for Life.’ Ang maganda sa naging number nina Mitoy at Darren, kahit na kilala rin ito bilang mahusay na performer, he has allowed Darren to shine and own the stage. Hindi sinapawan ni Mitoy si Darren. Darren also performed Josh Groban’s ‘You Raise Me Up’ with his own Dad and ‘I Want You To Know’ by Selena Gomez feat Zedd with his younger sister Lynelle Espanto. Ang cute ng naging number nila ng huli dahil equally talented din ang nakababatang kapatid ni Darren. Nag-perform din ang nanalo bilang ‘Asia’s Got Talent’ grand champion na El Gamma Penumbra sa saliw ng ‘Colors of The Wind.’
Inawit din ni Darren ng acapella ang 1995 World Youth Day theme song na ‘Tell The World of His Love’ ni Trina Belarmide na inawit niya noong pagbisita ni Pope Francis sa Pilipinas nitong Enero 2015. Nagbigay-pugay din si Darren sa mga Filipino na kompositor na bumubuo ng OPM nang awitin niya ang tatlo sa kanyang paboritong awitin gaya ng ‘Saan Darating Ang Umaga,’ ‘Duyan ng Duyan Mo,’ ‘Sana’y Maghintay ang Walang Hanggan.’
Nagbigay din ng sariling interpretasyon si Darren ng awitin ni Michael Jackson na ‘Man In The Mirror,’ at ang isa pang ‘show-stopping number’ nito kung saan inawit niya habang tumitipa ng piano ang ‘Chandelier’ ni Sia. Binirit ni Darren ang last part ng song kaya’t tuwang-tuwa ang audience.
Sa pagtatapos ng gabi, pinasalamatang muli ni Darren ang lahat ng mga sumusuporta sa kanya at hiniling niya na sana’y di daw magsawa ang mga ito. Nag-trending ang ‘Darren Espanto Birthday Concert’ nang gabing iyon. Masayang ibinalita din ng binatolyo na magkakaroon daw ng ‘Road Tour’ ang nasabing concert. Bilang pagtatapos ng kanyang concert, inawit niya ang kinanta niya noong finals night ng ‘The Voice Kids Philippines.’
Siniguro ni Darren na sulit ang perang ibinayad ng mga manonood ng kanyang concert. Ang naturang concert ay bilang tugon niya sa request ng kanyang fans na makapag-perform siya sa mas malaking venue matapos na hindi nakapasok ang lahat ng gusting manood ng kanyang naunang major solo concert sa Music Museum noon. Pinatuyan ni Darren na isa siyang total performer at sa murang edad na 14, he made history as he’s the youngest performer ever na halos makapuno ng SM MOA Arena.