Heart Evangelista’s reaction to the dubsmash made by Angelica Panganiban
by PSR News Bureau
May kasabihan tayo na ‘when life throws you with lemons, learn how to make your own lemonade.’ Ito mismo ang paraan ni Heart Evangelista para hindi na lumaki pa ang issue tungkol sa negatibong ‘dubsmash’ na ginawa sa kanila kamakailan lang ni Angelica Panganiban kung saan ipinagkumpara sila nito ng kanyang nakaalitan na aktres na si Marian Rivera sa isang segment ng ‘Banana Split.’
Hangga’t maaari ay iniiwasan na ni Heart na sagutin pa ang nasabing isyu dahil ayon na rin sa aktres nang makausap ng Philippine Showbiz Republic (PSR), mas marami daw siyang dapat na ipagpasalamat kesa pansinin pa ang mga negatibong bagay. “Wala naman akong mapapala sa mga iyan [negatibong isyu] eh,” bungad ni Heart. “I’d rather focus on interesting stuff that will be worth my time than patulan ko pa yung issue,” dagdag pa ng magandang misis ni Senador Chiz Escudero.
Pero aminado ang aktres na iniyakan niya yung issue dahil wala naman daw siyang matandaang ginawang masama sa kanyang kapwa at hindi niya maintindihan kung bakit ginawa pa ‘yun ni Angelica sa kanya. May punto dito si Heart dahil kahit pa sabihin ni Angelica na trabaho lang ang ginawa nito, kung hindi mo gusto o hindi ka kumportable sa isinulat ng scriptwriter ng nasabing show, maari mo itong ipabago lalo’t higit kung ganyang maaaring makasakit ng damdamin ng ibang tao.
Sabi ni Heart: “Lahat tayo ay may sariling pinagdadaanan sa buhay. Hindi porke’t artista, perpekto na ang buhay. I think isa ako sa mga examples na madaming pinagdaanan sa buhay.”
“As long as wala kang tinatapakan na tao, wala kang sinasaktan, I think you can hold your heads up high. Gagawin mo lahat para maging mabuti sa ibang tao, lalo na sa pamilya mo.”
Aware din si Heart sa kanyang mga bashers na parang hindi natutuwa kapag masaya siya lalo na’t nagkabati na nga sila ng kanyang mga magulang at sa wakas ay natanggap na rin ng mga ito ang kanyang kabiyak na senador. Aniya, hinahayaan na lang daw niya ang mga bashers niya. Naniniwala naman siyang mas maraming nagtatanggol at masaya para sa kanya.
“Yes, hindi mo maiaalis basta yung mga bashers, so I let them be. Ang importante may mga simpleng tao na masaya rin naman para sa akin, na hindi ko akalain na nandoon sila,” bulalas ni Heart. “Pag may mga bumabato sa akin, iniisip ko na lang ibig sabihin, parang isang puno, mabunga ako. Mahirap maging tahimik at umiyak lang para sa sarili mo. But you know what, I believe in God. I pray to Him, sa Kanya ko iniiyak yun lahat. Iba ang bawi ng Diyos,” pagtatapos ng aktres.