What Mommy actress can’t understand with her eldest daughter
by PSR News Bureau
Lumaking liberated ang batang aktres na ito dahil na rin nakapag-aral siya sa ibang bansa ng mahabang panahon. Ito ang hindi maintindihan ng kanyang ina ngayon. Marami ang nakikisimpatiya sa ina ng batang aktres dahil hindi daw umano marunong magbigay galang ng batang aktres sa kanyang ina. Palibhasa’y kumikita na ng sarili at hindi na ito maituturing na bata kung kaya’t may sarili na itong desisyon at hindi na ito sumasangguni pa sa kanyang ina at kinalakihang ama.
Ang isa umano na ikinasasama ng loob ng kanyang ina ay basta na lang daw nito malalaman na wala pala sa bansa ang anak niyang dalaga. Makikita na lang daw niya ang anak na nagpo-post na ng mga litrato nito sa mga bansang kanyang pinuntahan. Ni ha o ni ho ay wala daw paalam na ginagawa ang kanyang panganay, ayon sa ina nito. Kung hindi pa daw nauso ang social media, hindi daw malalaman ng ina ng aktres kung nasaang sulok ito ng mundo. Katwiran ng ina niong aktres, hindi daw natatapos ang pagiging magulang kahit pa lumaki na o maging adult na ang anak mo. Simpleng pakiusap lang naman ng isang ina na sana’y bigyan naman siya ng importansiya ng anak lalo pa’t noong kabataan pa nito’y madami naman siyang isinakripisyo maibigay lang sa mahal na anak ang pangangailangan nito.
Sa ganang amin, naiintindihan din naman namin ang batang aktres. Hindi na nga naman siya bata para ipaalam pa ang lahat ng aktibidades nito sa buhay. Marami mang Filipino ang hindi sasangayon sa amin, pero para sa isang taong tumira sa abroad na mayroong kulturang Kanluranin, normal ang ganitong senaryo. Hindi kasi masyadong ‘clannish’ ang kultura ng Europeo. Ang tingin namin dito, sa pagtira nang matagal na panahon ng batang aktres sa ibang bansa’y hindi nito naiwasan na makuha ang ganito ka-liberal na pag-iisip kung kaya’t wala itong nakikitang pagkukulang sa kanyang responsibilidad bilang anak sa kanyang ina. Ito naman ang isang bagay na hindi maintindihan ng kanyang mahal na ina. Magkaganon man, hangad ng Philippine Showbiz Republic (PSR) na magkaayos na ang mag-inang ito dahil sa bandang huli’y sila rin naman ang magiging magkakampi dahil hindi naman nila makakayang tikisin ang isa’t-isa ng mahabang panahon.