
Joross Gamboa wants to portray gay roles with dignity
by Arsenio “Archie” Liao
Hindi na bago kay Joross Gamboa ang pagganap ng gay roles. Makailang-beses na niyang nagampanan ang role ng isang bakla. Pero sa bagong pelikula niyang ‘ I Love You. Thank You,’ ibang klaseng Joross ang matutunghayan.
“Hindi siya out na out na bading. Hindi rin paminta o screaming faggot kung hindi something “in between” pero sa galaw niya ay mapapansin mo na ang kanyang pagiging gay,” kuwento niya.
Anong kaibahan nito sa mga indie gay-themed movies na napapanood natin?
“Hindi siya ibinebenta bilang gay film. Kumbaga, it’s a love story na kahit ang mga babae ay makaka-relate,” pagmamalaki niya. “Hindi rin siya malaswa. Kikiligin ang puso mo pero hindi ang puson mo”, pahabol niyang pahayag.
May mga love scenes ka ba o kissing scenes with the same sex sa pelikula?
“Wala. Wala naman kasi siya sa iskrip”, tugon niya.
But, you have nothing against kissing a guy na kabaro mo on screen?
“Wala naman”, pakli niya.
As an actor, conscious ka ba sa pagpo-portray ng mga gay roles na ginagawa mo?
“In a way, yes. Siyempre may mga kaibigan naman tayo sa LGBT community and as much as possible, I want na gay-friendly iyong ginagawa ko. Iyong hindi nakaka-offend sa kanilang sensibilidad. I want to portray gay people as human beings with dignity”, esplika niya.
Kumusta naman ang pakikipagtrabaho mo sa Thai actor na si Ae Patttawan na isa sa mga love interests mo sa pelikula?
“Actually noong una, merong language barrier, but as the shooting progresses, naayos naman siya. Okay naman ang naging bonding namin dahil pareho naman kaming artista”, aniya.
Ang pelikulang ito ay kinunan sa Vietnam, Cambodia at Thailand, gaano kahalaga ang mga lugar na ito sa journey ng inyong mga characters dito?
“Napakahalaga. I think iyong mga panoramic places na kinunan namin malaking factor sa rites of passage na pinagdadaanan ng mga characters namin, lalo na roon sa mga inner struggles namin. Nakadagdag siya ng rhythm at texture ng pelikula at sa pathos na ikino-convey noong mga characters namin, paliwanag niya.
Papel ng isang gay din ang role ng Starstruck avenger na si Prince Stefan. Kumusta ang pakikipagtrabaho mo sa kanya? Aware ka ba sa mga isyung diumano ay nagpakasal na raw siya sa isang mayamang bakla at nagbago na ng lifestyle?
“Actually, sobrang galing niya rito. Pati nga ako, napapaniwala niya sa mga pinaggagawa niya. Kung natuluyan o bumigay na siya, iyan ang hindi ko alam,” pagwawakas ni Joross.
Si Joross ay mapapanood sa “I Love You. Thank You.” ni Charliebebs Gohetia (The Thank You Girls, The Natural Phenomenon of Madness) na entry sa 2nd World Premieres Film Festival, Filipino New Cinema section kung saan binibigyang buhay niya ang papel ni Paul na patuloy na umaasa sa isang lalakeng iba naman ang mahal. Sa paghahanap ng direksyon sa kanyang buhay at pag-ibig, pupunta siya sa Siem Reap at makakatagpo si Tang (Pattawan) na iibig sa kanya.
Maliban kay Joross, tampok din si Ae Pattawan, CJ Reyes at Prince Stefan sa pelikula.
Isa sa mga kalahok sa 2nd World Premieres Film Festival, Filipino New Cinema section, ang “I Love You. Thank You” na magbubukas sa mga SM Cinemas simula sa Hunyo 24.