
How Nora Aunor surprised Edgar Allan Guzman and Sharon Cuneta
Sinorpresa ni Nora Aunor hindi lang si Edgar Allan Guzman mismo kundi ang programang “Your Face Sounds Familiar” ng ABS-CBN 2 nang biglang sumulpot ang superstar sa audience at todo palakpak kay Megastar Sharon Cuneta pati na sa anak-anakan niyang young actor na isa sa finalists ng nasabing tv program na ikinagulat ng mga naroon.
“Sinuportahan ko lang ang anak ko,” magiliw na pahayag ni Mama Guy sa Philippine Showbiz Republic (PSR) na ang tinutukoy ay ang anak-anakang si Edgar nga. “Mabait kasi ‘yung batang iyon. Marespeto sa atin at ramdam ko ‘yung sincerity niya na ang turing sa akin ay parang Nanay talaga. Kaya nagpunta ako roon to give him moral support,” aniya pa.
Isa kasi ang young actor na nakapasok sa final four ng “Your Face Sounds Familiar” nga at sa haba ng pinagdaanang pagpapapakitang gilas sa iba’t-ibang kakayahan nito sa pagpi-perform ng live ay hindi kataka-takang nakarating siya sa grand finals ng nasabing show.
“Magaling naman talaga kasi ang anak kong iyon. Para sa akin bilang Nanay, siya [Edgar Allan] ang pinakamagaling sa lahat. Kaya nga sabi ko sa kanya, ‘Okay Edgar, basta kailangan mo ng aking suporta, i-text o tawagan mo lang ako,’ darating ako’t nandito ako para suportahan siya,” paulit-ulit pang pahayag ni Bulilit sa Philippine Showbiz Republic (PSR).
“Mula nung makasama ko siya sa “Sa Ngalan Ng Ina” sa TV5 talagang hindi nawala ‘yung pagiging ‘anak’ niya sa akin. Natutuwa ako na may iba pa pala siyang talent. At gaya ng sinasabi ko palagi, napakabait na bata at marunong rumespeto siya sa kapwa. Kaya sino ba naman ako para pagdamutan siya ng suporta di ba?,” lahad pa nito.
Maging ang wala raw patid na palakpak ng superstar para kay Megastar Sharon ay napansin ng lahat. At tila ngayon lang nagagawa ‘yun ni Mama Guy sa tinagal-tagal ng kanyang pamamayagpag sa local showbiz.
“Okay naman si Sharon at alam niya na ano, na may kasalanan ako sa kanya dati,” sabi pa ng superstar. “Nung time kasi na ilo-launch siya ng Viva, ni Boss Vic del Rosario sa pelikulang “Dear Heart” ‘yata ‘yon. Pinuntahan nila ako sa bahay, bale sa Corinthian Gardens pa’ko nakatira noon. Personal akong inimbitahan ni Shawie at ni Boss Vic para sa premiere night ng movie,” panimulang kuwento ni La Aunor sa Philippine Showbiz Republic (PSR).
“During that time, problemado ako. Hindi ko talaga sila binaba at inestima sa matagal nilang paghihintay sa akin. Kaya iyon nagkaroon ng malaking tampo sa akin si Shawie. Kaya one time nung maging guest ako sa show niya dati sa ABS-CBN 2, du’n ko sinabi sa kanya lahat. Nag-sorry ako sa kanya at naiintindihan ko naman ‘yung tampo niya sa akin. Hanggang sa maging guest ulit ako sa programa niya sa TV5 kung saan mas naging okay na lahat,” katuwiran pa ng superstar.
“Du’n parang nabunutan na’ko ng tinik at everytime na magkikita na kami ni Shawie, talagang nararamdaman ko ‘yung pagiging sincere niya at respeto sa akin. Kaya nu’ng pumunta ako sa show nilang “Your Face Sounds Familiar” natutuwa akong makita siya ulit,” tuluy-tuloy pang pahayag ng legendary icon sa Philippine Showbiz Republic (PSR).
Siya ang gagawaran ngayon ng “Natatanging Gawad Urian Award” na pinakamataas na parangal na ibinibigay ng mga Manunuri ng Pelikulang Pilipino sa kanilang “Annual Gawad Urian Awards” kahit may mga supporters ang kanyang kumareng ‘Star For All Seasons’ na si Gov.Vilma Santos ang nagre-reklamo’t hindi matanggap na naunahan niya ang kanilang idolo.
“Siyempre, sobrang saya ko na ako ang napili nila para bigyan ng ganung parangal. Kahit na sa tingin ko ay marami pang mas karapat-dapat sa akin,” mapagkumbabang sabi pa nito. “Gaya ng lagi ko ngang sinasabi na masarap manalo ng award sa International o sa ibang bansa. Pero mas masarap ang pakiramdam na sa sariling bayan ka mismo binibigyan ng parangal,” dagdag pahayag pa nito.
“Tungkol naman sa amin ni Mareng Vi, huwag ninyo na kaming intrigahin. Tapos na kami diyan at napagdaanan na namin iyan. Ipaubaya na natin ‘yan sa mga sikat na kabataang artista ngayon. Hindi na’ko naaapektuhan kahit ano pa ang pang-iintriga sa amin ng kumare [Vilma] ko. Matured na kaming pareho at hindi na mga bata gaya ng dati,” pagtatapos pa nito.