
Carlos Morales reinvents himself as film director
By Oghie L. Ignacio
Kilalang hunk actor at minsa’y umariba ang career ni Carlos Morales sa pelikula nung kasagsagan ng medyo daring at pagpapaseksi ang siyang magandang puhunan ng mga lalaking matipuno ang pangangatawan bukod sa kaguwapuhang taglay. Kaya naging in demand si Carlos noon at nagka-acting award pa sa pelikulang “Laro Sa Baga” mula sa “Annual Star Awards For Movies” ng PMPC o Philippine Movie Press Club Inc.
“Ang tagal na nu’n,” nakangiting sabi sa Philippine Showbiz Republic (PSR) ni Carlos ng makorner namin siya kamakailan sa press launch ng “New Filipino Cinema” na siyang section sa “World Premiere Film Festival Philippines” ng Film Development Council of The Philippines kung saan may entry siyang pelikula na ang titulo ay “PIRING.”
“But I never denied the fact na gumawa ako ng ganung klase ng pelikula. I have no regrets. Kasi hindi naman siya basta daring lang o kailangang magpakita ako ng flesh or ng aking butt. Kahit papano napansin ang ipinakita kong akting.
Kumbaga, bonus ‘yung award na napanalunan ko kaya nakakatuwa,” aniya pa.
“And for me nung time na iyon okay lang naman sa akin. Kasi lalaki naman ako at walang mawawala kahit gawin ko ‘yung gano’n. Basta hindi lang masyadong grabe di ba?,” katuwiran pa niya.
Matagal-tagal din ang pamamahinga ni Carlos sa pagiging aktor dahil biglang nag-iba ang ihip ng hangin. Dahil ang dating umaarte sa harap ng kamera na naging kapanta-pantasya rin ng mga kababaihan at kabadingan ay siyang nagpapa-arte na ngayon ng mga artista niya. Ganap na ngang direktor si Carlos ng pelikulang “PIRING” na para sa kanya’y siyang magiging pintuan at susi sa bagong larangan niyang pinasukan.
“Eversince naman kahit nung active pa ako sa paggawa ng pelikula ay talagang ultimate dream ko na ang pagdidirek. Nabanggit ko na rin ito before sa mga reporters na nakakaharap ko. And for me, walang masamang mangarap or mag-ambisyon ka. Libre lang naman ‘yon at hindi binibili,” nakangiting sabi pa niya sa Philippine Showbiz Republic (PSR).
“Lahat naman tayo may pangarap sa buhay na gusto nating mangyari. So, wish ko lang na mag-progress ‘yung goal ko to be a good director,” sabi pa ni Carlos.
Sa nakita naming teaser ng mga pelikulang lahok sa “New Filipino Cinema” section ng nasabing pestibal na kasama nga ang dinirehe niyang obra na “PIRING” ay mukhang may malaking promise at may potensiyal nga si Carlos na magingmahusay na movie director at maihanay sa mga sikat na film makers in this new generation. Umaasa ba siyang manalo ng Best-Director award para sa obrang kauna-unahan niyang dinirek?
“Iyan ang hindi ko masasagot at mahirap na mag-expect,” mabilis niyang lahad. “Sa dami ng mga magagaling na film makers ngayon mahirap na umaasa. Ang sa akin lang gusto kong mai-share lang ‘yung aking talent na pagdidirek, masaya na ako. Pero siyempre kahit sino naman, talagang darating ‘yung panahon na kahit papano gusto mong magkaroon ka ng katibayan sa ginawa mong pelikula. Pero sa ngayon, it’s too early to tell. Alam kong marami pa akong dapat na patunayan sa aking sarili,” pa-humble pang sabi ni Carlos sa panayam ng Philippine Showbiz Republic (PSR).