
Liza Soberano says no to lavish 18th debut party
By PSR News Bureau
Kung ang magandang aktres lang ang masusunod, hindi daw niya gustong mag-celebrate ng kanyang 18th birthday gaya ng nakagawian na ng maraming kabataang artistang katulad niya. “Mas gusto ko ang mag-travel na lang sa ibang bansa kesa gumastos ng malaki para sa isang gabi ng party,” sabi ni Liza sa Philippine Showbiz Republic (PSR) ng makausap namin ang aktres sa isang presscon para sa pelikula nilang “Just The Way You Are.” Nang matanong namin siya kung bakit mas pinipili niya ang mag-travel gayung bagay sa kanyang kagandahan ang makapagsuot ng bonggang gowns na tipikal sa mga nagseselebra ng debut party, nasorpresa kami sa kanyang naging kasagutan: “Hindi po kasi ako mahilig sa ganun [party]. I’m a very simple person po kasi. Hindi po ako magiging kumportable dun. Gusto ko lang din pong maging praktikal,” lahad ng dalaga na medyo nahihiya pa.
[metaslider id=12398]
Likas na maganda si Liza kung kaya’t medyo nakapanghihinayang kung hindi nito gugustuhin na magdaos ng debut or isang coming-of-age party lalo na nga’t marami ang humahanga sa kanyang taglay na kagandahan gaya na lang ng singer-actor na si Lance Raymundo. Bagamat mas may edad ang nasabing aktor kay Liza, umamin ito na may paghanga kay Liza. Sigurado din kaming madami ang umaaligid sa paligid ng batang aktres kahit sabihin pang ‘binabakuran’ ito ng katambal niyang si Enrique [Quen] Gil.
Nang maganap nga ang nasabing presscon, napakasimple lang ng ayos ni Liza. Walang itong makeup nang humarap siya sa amin. Konting pulbos lang ang mayroon siya kung kaya’t lutang ang kanyang natural na ganda. May pagkamahiyain siya at soft spoken pa. Paano kung may mag-sponsor ng debut mo? “Hindi ko po talaga ‘feel’ magkaroon ng ganun. Pasensiya na po. Baka naman puwedeng mag-sponsor na lang siya to lighten my travel expenses,” pagbibigro ng dalaga sabay tawa nito ng mahina.
Kung tutuusin, medyo maaga pa naman para pag-usapan ang kanyang debut. Sa January next year [2016] pa naman magiging eighteen si Liza. Pero this early ay napag-usapan na ito dahil na rin sa kanyang katambal na si Enrique Gil. Sa ngayon kasi’y hindi pa maaaring ligawan ni Quen [palayaw ni Enrique] si Liza dahil nga hindi pa ito eighteen. Willing naman daw maghintay ang guwapong aktor para sa ating magandang dalaga.
Ano ba ang nagustuhan ni Quen kay Liza?
“Initially, I find her very pretty. Ganyang kagandang babae ba naman, hindi ka pa ba tatablan?,” umpisang kuwento ni Quen sa Philippine Showbiz Republic (PSR). “There has to be that initial attraction. Then you go past that. Sa Benguet [Sitio Pungayan na mas kilala bilang ‘La Presa’] kami mas nagkakilala. I’ve found out we have the same interests. I hate vinegar and so does she. Nung umpisa akala ko niloloko lang niya ako, akala ko ginagaya lang niya [Liza] yung mga pet peeves ko at saka yung mga gusto ko. Yun pala, she’s the exact female version of me,” pagmamalaki pa ni Quen.
“I have an allergy on vinegar,” pagpapatotoo pa ni Liza.
Ikatutuwa rin ng mga tagasubaybay ng dalawang bida ng “Just The Way You Are” na malaman na may totoong feelings para sa isa’t-isa sina Liza at Quen. Sabi nga ni Direk Ted Boborol [ang direktor ng pelikula]: “Kina Liza at Quen, hindi ‘put on’ ang sweetness. What you see is what you get. Hindi nila kailangan pang lokohin ang fans para lang kagatin yung loveteam nila. Pag nakita mo silang magka-holding hands, iyon ay dahil ganun talaga sila. Kaya kahit walang kissing scene sa pelikula nila, hindi ka naman ‘mabibitin’ sa mga eksena.”
Siyempre hindi pa puwede ang kissing scene dahil bata pa nga si Liza. Ipinagmamalaki rin nina Liza at Quen pati na ang direktor nitong si Ted na hindi lang isang simpleng love story ang “Just The Way You Are.” Kapupulutan din daw ito ng maraming aral sa buhay dahil sa bawa’t karakter na ginagampanan ng bawa’t artista ay may kalakip na aral. Hindi rin mawawalan ng mga paniguradong pampa-‘kilig’ na sadyang hinahanap ng mga manonood, partikular na ang fans ng ‘Liz-Quen’ na nabuo sa katatapos na hit teleserye nilang “Forevermore.”
Palabas na ang “Just The Way You Are” sa mga sinehan simula sa June 17!a