
Danica Sotto wants to tackle ‘Single Moms’ in “Happy Wife, Happy Life”
Bilang ina at asawa, relate na relate si Danica Sotto-Pingris sa kanyang role as host ng “Happy Wife, Happy Life,” ang daily morning reality and lifestyle show ng TV5. Behikulo para sa kanya ang naturang show upang ihayag hindi lamang ang tinig ng mga kababaihan kundi pati na ng mga nanay sa mga sambahayang Pilipino.
“Masaya at mas marami kaming topics na nata-tackle sa show. Na-prove ko rin kasi na ang dami pang interesting topics na puwede pang i-discuss sa show. Ang dami kong natutunan mula sa mga home tours, kung paano mag-ayos ng bahay, mag-ayos ng mukha, mag-budget, pati na iyong iba’t-ibang recipe ng typical Pinoy mom na nai-a-apply ko rin sa bahay,” pahayag niya.
Ayon pa kay Danica, perfect ang platform ng show na naglalahad ng mga kapuri-puring kuwento ng mga ina na patuloy na nagsisikap na arugain at itaguyod ang kanilang mga pamilya, mga kuwento ng mga ordinaryong ina na isasakripisyo ang lahat para sa kapakanan ng kanyang pamilya.
“Bilib ako roon sa mga inspirational stories ng mga moms na nakapanayam namin mula sa kanilang humble beginnings hanggang sa pag-angat nila sa pinasok nilang negosyo. Nakaka-inspire siya. Hindi sila natakot na mangarap para sa kanilang pamilya. Hindi naging excuse iyong naging mahirap sila para i-improve ang buhay nila at ang kanilang pamilya. Nanalig sila sa Diyos at nagsikap tulad ng pagsisikap noong asawa ko noong nagsisimula pa lang siya na galing din sa hirap,” paglalahad niya.
Deklara pa ni Danica, kung may isang topic na hindi pa nila natatalakay sa programa at gusto niyang i-discuss, ito ay tungkol sa mga single parents.
“Masarap talakayin kung ano ang kinakaharap ng single moms. Nagde-date rin ba siya? Paano ba niya ito ini-explain kay bagets? Paano ba niya itinataguyod ang kanyang pamilya? Iyong mga pagsisikap niya at mga pinagdadaanan niya. Paano ba niya iminumulat iyong anak niya sa relasyon nito sa father? Paano ba siya nakikipag-usap sa daddy ng mga anak niya?,” kuwento niya.
Happily married si Danica sa Star Hotshots cager na si Mark Pingris for eight years now kung saan blessed siyang magkaroon ng dalawang anak. For her, motherhood has taught her how to be more responsible and to know her priorities. “Kung noong una, iniisip ko lang ang sarili ko, ngayon iba na. Kasama na rin sa plano ko at ginagawa ko iyong para sa mga anak at asawa ko. Minsan kapag may bibilhin ka, pinag-iisipan mo pa lalo na’t may halong Ilokano ang asawa ko,” kuwento pa niya.
Danica also attributes her parenting style to her mom, Dina Bonnevie, award-winning actress and Vic Sotto, ace comedian.
“Iyong mom ko kasi, pinalaki niya kami na ayaw na ayaw niya na wala kaming ginagawa sa bahay kaya natuto akong magluto at gumawa ng mga gawaing bahay. Si Dad naman, siya iyong tipong chill lang pero nandiyan lang para suportahan kami,” pagbubunyag ni Danica.
Ayon pa kay Danica, kahit lumaki siyang sheltered at hindi naranasang maghirap, marami raw naman siyang natutunan sa parenting styles ng kanyang parents na nai-a-apply niya sa kanyang mga kids. “Sa mga kids ko kasi, hindi basta nila nakukuha ang mga gusto nila. Iyong tipong tinitingnan mo muna kung kailangan ba nila iyong gusto nilang bilhin o kung puwedeng iba na lang ang bilhin na mas mapapakinabangan din nila,” pagtatapos niya.
Mapapanood si Danica sa “Happy Wife, Happy Life” na naka-season 2 na Lunes hanggang Biyernes sa ganap na 10:15 ng umaga sa TV5 kasama sina Mariel Rodriguez-Padilla at LJ Moreno-Alapag.