May 24, 2025
Allen Dizon finally realized his dream of winning an Urian award
Faces and Places Latest Articles

Allen Dizon finally realized his dream of winning an Urian award

Jun 17, 2015

By Arsenio “Archie” Liao

Marami nang napalunang acting awards ang magaling na actor na si Allen Dizon mula sa Famas, Gawad Tanglaw, Gawad Pasado at iba’t-iba pang award-giving bodies. Bagamat napansin na siya at naging nominado sa kanyang makabuluhang pagganap bilang “tortured activist” sa Dukot ( Desaparecidos) sa 33rd Gawad Urian noong 2010, nasa “wish list” niya talaga ang manalo sa naturang award-giving body ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino. Kaya naman nang manalo siya ng Best Actor award sa 38th Gawad Urian, walang pagsidlan ang kanyang kasiyahan.

“Natupad na rin ang pangarap ko. Kumpleto na ako,” bulalas ni Allen. Aminado si Allen na ang Urian ang isa sa pinakamimithi niyang award.

“Iba kasi ang Urian. Aside from being credible, napakalaki ng respeto ko sa kanila tulad ng iba’t-ibang award giving bodies. Feeling ko, hindi talaga kumpleto ang career ko kung hindi pa ako nananalo sa Urian,” aniya. “Laking pasalamat ko dahil sa wakas, nanalo na rin ako,” pahabol niya.

Tinalo ni Allen as Best Actor sa Gawad Urian sina Robert Arevalo (Hari ng Tondo), Noni Buencamino (Dagitab), JM de Guzman(That Thing Called Tadhana), Sandino Martin( Esprit de Corps), Robin Padilla( Bonifacio: Ang Unang Pangulo), Arnold Reyes( Kasal), Jericho Rosales( Red), J.C. Santos( Esprit de Corps)at Dennis Trillo (The Janitor).

Ayon pa kay Allen, hindi niya ini-expect na manalo sa Urian. Para sa kanya, isang karangalan na ang maging nominado at bonus na lang niyang itinuturing ang kanyang pagwawagi dahil kapwa magagaling daw naman ang kanyang mga katunggali ngayong taon. Dagdag pa ni Allen, isang patunay o validation ang kanyang pagkapanalo para pagbutihin pa niya ang kanyang pag-arte.

Ang pagkapanalo ni Allen ng best actor para sa pelikulang “Magkakabaung” ni Jason Paul Laxamana ay ika-pitong best actor trophy niya pagkatapos manalo ng tatlong international best actor awards sa Harlem International Film Festival sa New York, Hanoi International Film Festival sa Vietnam at Silk Road International Film Festival at apat na local awards bilang pinakamahusay na actor sa MMFF New Wave, 13th Gawad Tanglaw, 17th Gawad Pasado at sa katatapos na 38th Gawad Urian.

Paglilinaw pa ni Allen, kahit nanalo ng best actor sa Urian, open pa rin daw siya sa pagtanggap ng mga supporting at challenging character roles mapa-pelikula man o telebisyon.

Itinuturing na isang Pinoy pride si Allen dahil kinilala ng mga kongresista ang kanyang pagkapanalo sa iba’t-ibang international film festivals nang parangalan siya ng mga ito sa pamamagitan ng isang House Bill na kumikilala sa kanyang natatanging ambag sa mundo ng sining ng puting tabing sa bansa.

Proud din siya dahil pinuri ng kanyang kapuwa Kabalen actor turned politician na si Senador Lito Lapid sa kanyang kontribusyon sa pagsusulong ng kulturang Kapampangan na naipakita niya sa pelikulang “Magkakabaung” ni Jason Paul Laxamana.

Kasalukuyang tinatapos ni Allen ang pelikulang “Iadya Mo Kami” (Deliver Us) under BG Films kung saan papel ng isang paring nakabuntis ng isang lay woman ang kanyang role.

Leave a comment