
Wenn Deramas says he’d like Vice Ganda to try working with other directors
Ikaanim na beses nang tumanggap ng award ni Wenn Deramas bilang Most Popular Film Director sa katatapos na awards night ng Guillermo Mendoza Memorial Foundation na ginanap noong Linggo, June 14, sa The Theater ng Soliaire Hotel & Casino.
“Bale pang-walo ko na itong award mula sa Guillermo. Dahil may nakuha na rin akong dalawa bilang manunulat (scriptwriter) naman,” masayang bungad ni Direk Wenn nang makausap ng Philippine Showbiz Republic (PSR).
“Kaya sobrang pasasalamat sa Guillermo dahil wala silang sawang ibinibigay sa akin ito,” ang award bilang Most Popular Film Director ang kanyang tinutukoy.
“At mas dapat akong magpasalamat sa mga nanonood. Dahil sila naman talaga ‘yung dahilan kung bakit kami nabibigyan ng parangal na ganito.”
Sa ikaanim na taon na niyang pagtanggap ng nasabing award, kinakabahan pa ba siya?
“’Yung totoo? Siyempre, alam na namin e, di ba? Ina-announce naman na iyan before. Pero nai-excite pa rin ako. Kasi alam mo ‘yung kapag nasanay ka na?,” tawa niya.
“Parang mahirap na kapag binawian ka. But of course, open pa rin naman ako doon sa darating at darating ang panahon na may iba namang kukuha ng award na ito. Sabi nga, ‘give chance to others din.’ Ang importante, gagawa at gagawa pa rin ako ng pelikula. Para mabawi ko ulit siya, ‘yung gano’n.”
May kadikit bang pressure ang award na ito sa kanya for six consecutive years na?
“Lagi ko lang sinasabi na wala. Kasi parang ang trabaho ko, gumawa ng mga nakakatawang pelikula. Tapos bahala na ang producers kung paano magbebenta ng ganito. So basically sila na ‘yon. Kapag nabenta nila nang tama at nakasigurado naman tayo na ‘yung pelikula ay nakakatawa at very entertaining.”
“Kumbaga, nakuha na naming yung tamang formula eh. Meron na kahit papano na nabuo kami nina Vice (Ganda), yung team up namin, nakakatawa. So pinapasok ng tao, kinakagat.”
Alin ba ang mas importante para sa kanya… awards o ‘yung kumikita sa takilya ang pelikula niya?
“Sa akin siyempre, importante siyempre ‘yung kumikita ang pelikula mo. Kasi trabaho ko ito, e. So ibig sabihin kapag hindi kumita ang pelikula mo… wala nang kukuha sa ‘yo. Wala ka nang trabaho. Yung mga awards naman, of course, gusto mo. Excited ka pa rin doon. Pero kumbaga bonus na lang ‘yun.”
Ano ang bagong pelikula niya ngayon?
“Meron kaming ginagawang entry na sana makapasok sa Metro Manila Film Festival (MMFF). ‘Yung sa aming dalawa ni Vice and Coco (Martin).
Wala pang title ito. At hindi ko pa rin puwedeng sabihin ang story.”
Totoo ba na may sinabi siya na gusto niya na mag-try muna sila ni Vice na hindi sila ang magka-tandem sa pelikula pero hindi pumayag ang ABS CBN?
“Oo. Siya (Vice) ang nag-announce noong victory party ng ‘Amazing Praybeyt Benjamin.’ Sabi ko kay Vice, i-try naman niya na magkahiwalay kami. Kasi pang-ilan na ba naming to be working together in one project, pito, walo? Mula pa kami sa first movie niyang ‘Apat Dapat.’ Of course, darating at darating din ‘yung time na magkakahiwalay kami. Hindi naman puwedeng kami lang nang kami. Ako kasi nagagawa ko eh. May iba akong pelikulang nagagawa,” paliwanag pa ni Direk Wenn.
“Siya (Vice), gusto ko ring ma-try niya ‘yung ibang direktor ang mag-handle sa movie niya. Ibang style ang ipapagawa sa kanya.”
Pero mukhang hindi pa rin iyon mangyayari. Dahil bukod sa pelikula ni Vice with Coco ay may gagawin pa rin silang project. “Oo. Sa 2016, gusto niya dalawa, e.”
“Sana kung kaya ng isa na iba ang magdirek sa kanya. Tapos magkita ulit kami ng filmfest kung papalarin.”
Sa ngayon ay tutok din siya sa pagdidirek ng teleserye sa ABS-CBN na ‘Flordeliza.’
“Hanggang Agosto pa kami,” pagmamalaki ng magaling na direktor.
Ano ang magiging kasunod nito?
“Hintayin natin ang go signal ng ABS,” aniya.
Ang isa sa pinakamalapit na kaibigan niyang si Ai Ai delas ay nasa GMA 7 na.
“Lagi naman kaming magka-text ni Ai Ai. At masaya ako para sa kanya kung anuman ang desisyon niya. Maya’t maya ang aming mga tawagan at aming text-an. Viber to death hanggang medaling araw. So open ‘yung komunikasyon namin. Ang hindi lang talaga ay ‘yung balak naming magkape-kape.”
“At hindi man kami makakapagsama pa sa TV dahil magkaiba na ‘yung istasyon namin, pero meron naman kaming pelikulang gagawin. Abangan din nila.”
Isa rin siyang ama dahil may adopted na anak siya. Ano ang kanyang plano sa nalalapit na Father’s Day?
“Ina ako… ayokong ama!,” sabay tawa ulit ni biro ni Direk Wenn.
“Noong Mayo (Mother’s Day) isinelebrate ang pagiging magulang ko!,” pagbibiro pa ni Direk Wenn.
“Bilang magulang, iyon ang pinaka-walang kapantay na award. Kapag ‘yung anak mo, mabait sa ‘yo at sumusunod sa ‘yo. Kapag ‘yung anak mo, mahal ka. Iyon ang pinaka-importante na award sa lahat ng awards na maibibigay sa ‘yo.”
Ano ang plano nila ng kanyang anak?
“Ginawa na namin noong Mother’s Day, e. Oo, Mother’s Day ko gusto!” natawa ulit na huling nasabi ni Direk Wenn.