May 24, 2025
Ai Ai Delas Alas spearheads fundraising concert for Kristong Hari Parish Church construction
Home Page Slider Latest Articles

Ai Ai Delas Alas spearheads fundraising concert for Kristong Hari Parish Church construction

Jun 26, 2015

By PSR News Bureau

Kilala ng kanyang mga kaibigan sa loob at labas ng showbiz na isang relihiyosang tao ang Philippine Comedy Queen na si Ai Ai Delas Alas. Isang siyang deboto ng mahal na Birheng Maria.

Sa katunayan ay naging panata na ni Ai Ai na ipagdiwang ang kaarawan ni Mama Mary sa tuwing sasapit ang kaarawan nito bilang pagbibigay-pugay at pasasalamat niya rito. Nalalapit nang muli ang kaarawan ng Birhen kung kaya’t gaya nang nakasanayan na ng magaling na komedyana’y mayroon na naman siyang ‘nilulutong’ isang makabuluhang proyekto bilang regalo para rito.

Isang fundraising concert ang nais gawin ni Ai Ai upang makapagpatayo ng simbahan. Itinuturing niyang dream project ang kanyang hangarin na pagpapagawa ng Kristong Hari Church Construction project. “Taunan talaga akong mayroong pa-birthday kay Mama Mary. Ngayon, gagawin ko siyang concert for Mama Mary para matulungan ko ‘yung simbahan sa tabi ng Iglesia [ni Kristo] sa Fairview,” pahayag ni Ai Ai sa isang panayam.

29_big

Sa tulong ng kanyang mga kaibigan sa showbiz at ang kanyang mga kaibigang-pari kabilang na sina Fr. Lando Jaluag, Fr. Rey Pascual, Fr. Steve Zabala at ang kanyang dalawang matalik na mga kaibigang pari na sina Fr. Erick Santos at Fr. Allan Samonte, mag-oorganisa sila ng isang concert to raise funds para maipaayos at mapalaki nila ang simbahan ng Kristong Hari na matatagpuan sa National Government Center (NGC-East), Commonwealth, Quezon City.

Sa mga hindi nakakakilala sa mga kaibigang-pari ni Ai Ai, maliban sa magagaling silang mag-homily, magagaling din silang kumanta kung kaya’t masasabing swak na swak ang pagkakaroon ng isang fundraising concert ni Ai Ai kasama ang mga paring nabanggit.

Paniniwala kasi ni Ai Ai na ang kanyang naging debosyon sa Birheng Maria ang siyang dahilan kung bakit niya tinatamasa ang anumang tagumpay na mayroon siya ngayon. Ito rin ang nagsisilbing takbuhan ni Ai Ai sa tuwinang mayroon siyang personal na pinagdaraanan. Bilang tunay na Kristiyano, hindi kailanman nakalimot si Ai Ai, batid niya ang kahalagahan ng pagbabalik ng kabutihan sa ibang tao. The Comedy Queen knows just too well the meaning of the word, gratitude—kung kaya’t gumagawa ito sa kanyang simpleng paraan kung paano makapagbigay sa kanyang kapwa.

Sa tanong kung bakit ito ang napili niyang tulungan at gawan ng isang makabuluhang proyekto, paliwanag ng komedyana, “Naliliitan kasi ako sa simbahan [Kristong Hari Parish Church], tapos nasa ilalim pa siya banda ng tulay. At saka gusto kong may maiwanan man lang akong legacy, na may naipatayo akong simbahan sa buong buhay ko. Kahit doon man lang makabawi ako sa lahat ng blessings na natanggap ko, ‘di ba? Kumbaga, ‘yun na yung gift ko kay Mama Mary.”

Nakapag-imbita na nga raw siya ng mga kaibigan na gustong tumulong at marami na rin ang nagbigay ng interes at pagsuporta sa naturang concert gaya ng The Philippine Madrigal Singers at ang Kerygma 5. Umani rin ng maraming Likes sa social media platform na Instagram ang post ng ‘Let The Love Begin’ lead star tungkol sa kanyang hangarin na makatulong sa pagpapatayo ng mas malaking simbahan para sa mga Katolikong katulad niya sa lugar na iyon sa Fairview. Komento ng marami, bibihira ang katulad ni Ai Ai na mayroong ginintuang puso. Sa katunayan, isa ang Kapuso Primetime Queen na si Marian Rivera sa mga naunang nag-Like ng naturang post ni Ai Ai.

Makikita pa rin sa nasabing IG post na inimbitahan mismo ng Comedy Queen ang kabiyak ng kanyang itinuturing na ‘kakambal’ [Marian] na si Dingdong Dantes para sa isang duet sa nasabing fundraising concert. Kaagad naman sinangayunan ni Marian ang nasabing imbitasyon sa pamamagitan ng pag-post nito ng isang ‘thumbs-up’ na sign.

Nabanggit din ni Ai Ai sa nasabing post na pangarap niya talagang magpagawa ng napakalaking simbahan bago man lang daw siya pumanaw sa mundo para daw pagharap niya sa Amang Lumikha ay masasabi man lang daw niya na mayroon siyang nagawa. “Please help me build this church. Pag lumabas na po ang ticket sana po ay tulungan ninyo ako at bumili kayo ng kahit magkano lang na galing sa inyong puso. God bless my followers.”

Nakatakdang ganapin ang nasabing fundraising concert sa darating na October 16 [tentatively], 2015 sa SM Mall of Asia Arena.

Leave a comment

Leave a Reply