
Hunk actor Edward Mendez denies rumored relationship with Dra. Vicki Belo
Dati rati ay kasa-kasama lang si Edward Mendez ng mga aktor bago ito naging kabilang na sa mga opisyal na endorsers ng Belo. Ngayon nga ay isang ganap nang hunk actor ang model at fitness instructor na isinilang sa Amerika. Busy na din ito sa pagtanggap ng TV offers matapos niyang lumabas sa pelikulang pinagbidahan ni Ai Ai delas Alas noon.
Sa pagbabalik sa TV ni Edward ay binigyan kaagad siya ng kapareha sa katauhan ni Marvelous Alejo para sa TV 5 kilig primetime mini-series na “Wattpad Presents: Said I Loved You.”
Nang matanong ito kung bakit bigla siyang nawala matapos ang pelikulang pinagsamahan nila ni Ai Ai, ipinaliwanag nito na bumalik siya sa Amerika upang gumawa ng aklat tungkol sa fitness dahil yun daw talaga ang tinapos niyang pag-aaral. Pero talaga daw malakas ang hatak ng showbiz kung kaya’t muli itong nagbalik sa Pilipinas. Hindi rin pinalampas si Edward ng mga tsismis tungkol sa kanila ng sikat na doktor na si Doktora Vicki Belo. Pinabulaanan ni Edward na nagkaroon sila ng relasyon ng doktora. Mariing itinanggi nito ang nasabing tsismis. Aniya, walang katotohanan na kaya siya naglie-low sa showbiz dahil sa intrigang isinasangkot ang kanyang pangalan kay Dra. Vicki Belo.
Totoo dawn a super close siya kay Dra. Vicki Belo. Mag-boyfriend pa noon sina Dra. Vicki at Hayden Kho ay nandoon na siya at nakasama na rin niya ang dalawa kapag lumalabas. Naapektuhan lang siya nang i-link siya kay Dra. Vicki dahil madalas siya sa clinic ng doktora at that time at wala daw siyang kaalam-alam na nagkakalabuan na raw pala sina Dra.Vicki at Hayden. “Hindi ko alam na wala na pala sina Dra. Vicki at Hayden. That time ay madalas ako sa clinic ng Belo. Hindi ko alam na dahil sa pagpunta ko doon ng madalas ay inili-link na kami ni Dra. Vicki. Friends lang po talaga kami. Wala pong katotohanan na nagkaroon kami ng relasyon ni Dra. Vicki Belo,” paliwanag ni Edward.
Sa kanyang muling pagsabak sa pag-arte via “Wattpad Series: Said I Loved You,” ay mas bata at sariwa ang kapareha niya sa katauhan ng Artista Academy alumna na si Marvelous Alejo kung saan may kissing scene sila sa nasabing serye.
Tinanong ng Philippine Showbiz Republic (PSR) si Edward kung ano ba ang mas gusto niya, mas older woman or younger ang maka-eksena niya sa isang kissing scene?
“Mas gusto ko yung fresh, yung younger, di ba?,” natatawang sabi ni Edward.
Dahil sa naging tugon ni Edward na mas gusto niya ng younger women ay wala nang dahilan pa para ipagpilitan sa kanya si Dra. Vicki Belo. Kung ilarawan ni Edward ang nasabing kissing scene nila ni Marvelous ay ‘sagad to the max.’ Di raw kasi tulad sa naging halikan nila ng unang ginawa niyang “Wattpad Presents” na kung saan dinaya lang daw ang kissing scene niya sa naging kapareha niya.Kay Marvelous daw ay damang-dama niya ang lips ng dalaga nang kunan ang kissing scene nila sa “Said I Loved You” na magsisimula sa June 29, Monday to Friday at 9:00 pm sa TV 5.
Nang tanungin namin si Marvelous kung gaano ka-daring ito sa naganap na kissing scene nila ni Edward, nagulat kami sa naging sagot ng dalaga na dampi lang daw at hindi naman daw torrid na matatawag ang naging halikan nila ni Edward sa nasabing serye.
Hindi na namin inurirat pa si Marvelous at baka may kinatatakutan itong tao kapag sinabi na daring ang kissing scene nila ni Edward. Basta ang kinumpirma lang ng dalaga ay first time siya nakipaghalikan sa lips sa harap ng camera. At nang tanungin kung possible ba siyang ma-in-love sa isang tulad ni Edward Mendez. Walang kagatol-gatol at hindi na nagdalawang isip, kaagad na sinabi ni Marvelous, “Yes po!”