
Jiro Manio’s foster father speaks up
Taliwas sa mga unang naiulat at napabalitang nadala na raw sa rehabilitation center na pinanggalingan nito ang aktor na si Jiro Manio, hindi totoo ito. Matapos kasing sunduin ang aktor ng kanyang nakatatandang kapatid sa NAIA Terminal 3 kung saan ay tatlong gabi at apat na araw din siyang nanatili sa nasabing paliparan ay pansamantala muna siyang pinatuloy sa bahay ng isang malapit na kaibigan sa may Mandaluyong.
Ang magaling na batang aktor na si Jiro ay na-rehab ng dalawang beses sa magkakaibang taon. Ang unang beses na pagtungtong ni Jiro sa pagamutan ay nung bago pa siya makapagtapos ng high school sa may Pasig at ang pangalawang beses ay noong nakaraang taon lang. Ayon sa tumatayong ama ni Jiro [na Lolo ng aktor dahil pamangking buo nito ang yumaong ina nito] na si Daddy Andy Manio, “Masyadong na-depress si Jiro doon sa ipinangako ng Lola ng nanay niya [Julieta Santos Kerihara]. Ang sabi kasi niya sa bata’y babayaran niya ang bill sa rehab na almost 95 thousand pesos.”
Si daddy Andy Manio ang kinilalang ama ni Jiro mula pa sa pagkabata dahil dito iniwan ng kanyang ina si Jiro matapos na maanakan ng isang hapon sa Japan. “Hindi na nakilala ni Jiro ang totoo niyang tatay dahil inabandona talaga siya mula pa sa kanyang pagsilang,” malungkot na salaysay pa ni Daddy Andy sa Philippine Showbiz Republic (PSR).
Ang isa pa rin daw na naging dahilan ng matinding atake ng depresyon ng actor ay noong mamatay ang lola nitong si Martina Manio [ina ni daddy Andy], “Siya kasi ang kinagisnang lola ni Jiro kaya’t nalungkot nang husto ang bata,” sabi pa ulit ni Daddy Andy. Pero ang higit daw na nagpabagsak sa moral ni Jiro ay nang unti-unti nang maubos ang lahat ng kanyang mga naipundar. Ang dalawang kotse, bahay at ang condo na matagal ding pinag-ipunan ng aktor.
Inamin ni daddy Andy na nag-drugs ang kanyang anak. “Kaya ang masasabi ko lang doon sa taong nagturo na mag-drugs ang anak ko, may karma tandaan mo iyan. Tignan mo ang ginawa mo sinira mo ang buhay ng anak ko,”himutok ng ama na nagsabi pa rin sa amin na napakabait na bata ni Jiro at sa katunayan noong wala pang pinagdadaanan ang binata ay matulungin ito sa kapwa. “Kapag may nakikitang pulubi iyan hindi maaaring hindi siya magbigay. At halos lahat ng mga taong lumalapit sa kanya ay tinutulungan niya talaga, ganun siya kabait.”
Habang sinusulat naming ang balitang ito ay kasalukuyang magkasama sina Ai Ai Delas Alas at Jiro. Si Ai Ai ang gumanap na ina ni Jiro [bilang si Shammy, ang pang-siyam na anak ni Ina Montecillo na ginagampanan ni Ai Ai] sa mga pelikulang “Ang Tanging Ina“ na ayon sa ama ni Jiro ay sobrang suporta daw ang ibinigay ni AiAi sa kanyang ‘anak.’ “Mahal na mahal siya ni Miss Ai Ai kaya natutuwa naman ako,” pakli pa ni Daddy Andy.
Habang inaayos pa nila ang muling pagbabalik sa rehab ni Jiro sa mga sandaling ito ay kinukupkop si Jiro ng isang dating guro sa Rizal Esperimental station and Pilot School of Collage Industries sa may Pasig City. “Mas makakabuting doon muna siya kasi kung ngayon siya haharap sa public ay baka lalong lumala ang sitwasyon niya,” paliwanag pa ni Daddy Andy.
Ang sitwasyon kasi noong unang makaharap ng Philippine Showbiz Republic (PSR) si Jiro sa NAIA 3 ay parang wala siya sa sarili. Hindi siya nakakasagot ng tama sa aming tanong na obvious na may pinagdadaanang problema. “Actually ang kuwento sa akin ni Jiro noong pumunta siya dito ay sumakay daw siya ng taxi at ang ipinambayad niya dahil wala siyang anumang pera ay ang cellphone niya,” sabi pa ni Daddy Andy.
“Nagpunta si Jiro sa NAIA kasi ang pumasok sa utak niya dahil depressed na nga ay nagpapasundo na sa kanya ang nanay lola niya na nasa Japan kaya siya nagpunta dun,” sabi uli ni daddy Andy “Sa ngayon ay okay na uli si Jiro at masaya na uli siya doon sa bahay ng teacher niya kuwento niya sa akin.”
Kung dati-rati daw ay laging nakatingin sa kawalan ang aktor at kung magsalita man ay laging galit ay hindi na raw ngayon. “Unti-unti na siyang bumabalik sa dating Jiro na kilala namin. Nakikipaglaro na raw dun sa mga kapwa niya binata at tumatawa ng muli unlike before na laging mainit ang ulo,” dagdag pa niya.
Si Jiro Manio ay si Jiro Katakura sa tunay na buhay ay nais ding makita ni Mr. M [Johnny Manahan], isa sa maituturing na haligi ng ABS-CBN dahil bibigyan daw niya ito ng isang making break muli. “Magaling na aktor si Jiro at marami ang nanghihinayang sa kanya at bilang ama ay natutuwa ako dahil maraming nagmamahal sa anak ko,” sabi pa ni Daddy Andy.
Ayon pa rin kay Daddy Andy (Andrew), kung noon daw ay hindi nila alam ni Jiro kung saan kukuha ng pambili ng mga gagamitin nilang pera sa pang araw-araw, ngayon daw ay ang dami-dami namang nag- aalok ng tulong at ang ilan nga dito ay sina Boy Abunda. “Nagkausap na kami ni Kuya Boy, wala naman siyang pangako pero mararamdaman mong gusto niya talaga kaming matulungan.”
May mga taong gagastos na rin daw sa rehabilitation para kay Jiro. “Pag magaling na siya, alam ko babalik sa showbiz ang batang iyan dahil first love niya ang pag-arte,” pagwawakas pa ni Daddy Andy.