
Buencamino family mourns over daughter’s untimely demise
By PSR News Bureau
Matinding pangungulila ang mararamdaman sa kapilya ng St. Joseph sa simbahan ng Mount Carmel sa New Manila kung saan nakalagak ang bangkay ng 15-anyos na anak nina Nonie at Shamaine Buencamino na si Julia Louise Buencamino, matapos nitong kitilin ang sariling buhay noong July 7, Martes ng gabi. Natagpuan si Julia na nakasabit sa kisame matapos nitong magbigti. Dumagsa ang mga kaibigan, kamag-anak at kasama sa trabaho. Nagdaos ng misa sa unang gabi ng lamay na dinaluhan ng mga nakiramay sa pagkawala ng bunsong anak ng mga Buencamino.
Makikita ang hinagpis ng mag-asawang Nonie at Shamaine, lalo na ang huli, dahil walang tigil ito sa pagluha. Sa nasabing misa, sinabi ng pari na maaari nang makapagmisa at bendisyunan ang sinumang nagpakamatay na dati’y hindi inaaprubahan ng simbahan katoliko. Ayon sa mga nakiramay, maaliwalas naman ang mukha ni Julia sa kanyang puting kabaong habang may hawak-hawak itong rosaryo sa kanyang mga kamay. Naka-display rin ang mga ipininta at iba pang artworks ni Julia, isang damit at ilang larawan.
Namataan sa nasabing burol sina Meryll Soriano, Mitch Valdez, Ina Feleo, Bembol Rocco, Gary Lim, Joel Torre, Janice De Belen, Candy Pangilinan, Mon Confiado, Perla Bautista, Bibeth Orteza, Andoy Ranay, ang mga co-stars nito sa “Oh My G,” at ang tiyahin at tiyohin ni Julia na sina Giselle Sanchez at ang asawa nitong si Emil Buencamino.