
Pabebe Girls meets Upgrade boyband
By John Fontanilla
Nagkaharap na nang personal ang boy group at internet sensation na tinaguriang ‘trending cuties’ na Upgrade (na kinabibilangan nina Miggy San Pablo, Rhem Enjavi, Mark Baracael, Raymond Tay, Casey Martinez, Ivan Lat at Armond Bernas) at YouTube sensations na Pabebe Girls na sina Avelardo Garves aka VhellPoe (Babaeng Multo), Janet Ricarbo (Babaeng Utal) at Michelle Alfonso (Babaeng Walang Kilay).
Sa lahat kasi ng panayam sa Pabebe Girls, palagi nilang sinasabi na ang grupong Upgrade ang iniidolo nila sa hanay ng mga kalalakihang grupo. Kaya naman ng makarating ito sa grupong Upgrade, sila ang gumawa ng paraan upang personal nilang makaharap ang Pabebe Girls. Sabi nga ng Upgrade sa Philippine Showbiz Republic (PSR.ph), “Natuwa lang kasi kami sa lahat ng interview nila [Pabebe Girls], kami yung sinasabi nilang ‘idol’ nila. Nalaman naming yun doon sa isang fan na nakapanood ng interview nila sa MYX tapos tinag nila sa FB page tapos pinanood namin. Flattered kami kasi sikat na sikat sila ngayon. Kumbaga, may Pabebe Mania ngayon sa Pilipinas. Isang karangalan sa amin na kami yung iniidolo nila.”
Dagdag naman ni Mark “Nung una nga akala namin mataray sila in person, kasi nga sa video nila ganun yung character nila, pero hindi naman pala, kasi mababait sila at sweet in person.”
Hindi pa daw sila sikat, idolo na ng Pabebe Girls ang Upgrade. Pero bukod dito’y may iba pa silang mga hinahangaan. “Si Michelle, idol si Vice Ganda. Si Janet naman ay si Kim Chui. Ako naman si Kevin Balot yung gusto ko, pero lahat kami idol yung Upgrade Boyband,” bulalas ni VhellPoe.
“Happy rin kami kasi mas nakilala namin ang Upgrade. Nalaman namin na sa personal pala’y lalo silang mababait sila at guwapo. Kaya namin sila naging idol kasi magaling silang kumanta at sumayaw, lalo na si Rhem, siya yung pinakagusto naming sa Upgrade.”
Binigyan din ang mga Pabebe Girls ng watch, mug, calendar at notebooks ng grupong Upgrade. Kaya naman tuwang-tuwa ang lahat ayon pa sa leader ng Pabebe Girls na si VhellPoe.
Nabanggit din ng Pabebe Girls na halos ma-trauma silang lahat sa kabi-kabilang panlalait ng bashers na kanilang natatanggap sa Youtube videos nila. “Grabe yung panlalait ng bashers sa amin. Si Michelle nasaktan pa nga ang parents niya kasi napanood ng mga kamag-anak niya yung video at nababasa yung mga comments at hindi sila natuwa. Tinanong siya [Michelle] kung alam daw ba ng magulang niya kung ano yung mga pinaggagawa niya,” kuwento pa ni VhellPoe.
“‘Yung iba kasing nakapanood ng videos, akala nila matanda na si Michelle. Di nila alam na 11 years old lang siya. Pero nung sumikat na yung grupo, naging okay naman na ang lahat,” dagdag pa nito.
Mula noon ay hindi na lang daw nila pinapansin kapag may bashers. Lalo na pag grabe yung sinasabi against them. “Ngayon, medyo konti na lang [yung bashers]. Iniisip na lang namin na ganun talaga, hindi naman kayang i-please lahat ng tao. Basta masaya na kami na through our video kasi may ibang mga tao naman na napapasaya namin.”
Life changing nga na maituturing ang kasikatang tinatamasa ngayon ng Pabebe Girls. Bukod kasi sa mga TV guestings, may endorsements na rin sila gaya ng Sir George Salon at Artehan bilang apparel. Kahit saan din sila magpunta ay unti-unti na rin naman silang nakikilala ng mga tao. May nagpapapirma at napapalitrato na rin sa kanila.
“Kahit sa school, instant sikat na kami. Mas dumami din yung kaibigan namin,” pahayag nina Michelle at Janet.
Pangarap din daw ng Pabebe Girls na makapag-artista. “Pare-pareho po naming pangarap mag-artista noon pa. Kaya nga thankful kami kasi dahil sa video naming ay nagkaroon ng katuparan yung pangarap naming na maging artista.”
First time nilang umarte sa LolaBasyang.com ng TV5 at hangad nilang magtuloy-tuloy ito. Ayon pa sa grupo, okay lang din daw sa kanila kahit kontrabida ang ibigay na role sa kanila dahil doon naman sila nakilala.
Binabalak daw ng Upgrade at Pabebe Girls na gumawa ng collaboration video. “Sana makagawa kami ng video kasama ang Upgrade para maiba naman,” ayon kay Michelle. “Kasi nakagawa na kami sa idol naming si Vice Ganda kaya gusto namin na sana sa kanila [Upgrade] rin.” Sumangayon naman daw dito ang grupong Upgrade. Sana ay matuloy nga ang proyektong ito.