May 24, 2025
Ai Ai Delas Alas’ 25th year anniversary in showbiz; On Jiro Manio, her upcoming beneficiary concert and her new show ‘Sunday PINASaya’
Home Page Slider Latest Articles Uncategorized

Ai Ai Delas Alas’ 25th year anniversary in showbiz; On Jiro Manio, her upcoming beneficiary concert and her new show ‘Sunday PINASaya’

Aug 1, 2015

By PSR News Bureau

[metaslider id=13984]

Maraming pinaplano ang Comedy Queen na si Ai Ai Delas Alas sa pagdiriwang ng kanyang ika-25 anibersaryo sa showbiz ngayong taon na ito. Una na rito ang paglulungsad ng kanyang ‘Ai Lab You’ commemorative magazine kung saan sa kauna-unahang pagkakataon ay mailalathala ang buhay ni Ai Ai mula noong bata pa siya hanggang sa marating niya na ang tagumpay. Limang edisyon na balak niyang i-publish mula August hanggang December lang lalabas ang eksklusibong Ai Lab You magazine ni Ai Ai na naglalaman ng mga mahahalagang impormasyon tungkol sa kanya at sa mga proyekto niya.

Maliban sa kanyang special commemorative magazine, sa September ay sisimulan na nila ang pelikula nila ni Bossing Vic Sotto na nakatakdang ipalabas para sa Metro Manila Film Festival [MMFF]. Ayon kay Ai Ai, hindi pa niya alam kung sinu-sino ang mga makakasama niya dito sa pelikula. Pero ang tanging sigurado siya na magiging co-star niya ay si Alden Richards at ito’y sa ilalim ng direksyon ni Jose Javier Reyes.

Nang matanong si Ai Ai tungkol sa pamba-bash ng ilang netizens sa kanya sa pagtulong niya kay Jiro Manio na gumanap na anak niya sa ‘Ang Tanging Ina’ series na pelikulang pinagbidahan ng Comedy Queen, “Alam ninyo, hindi ko inaasahan na lalaki ng ganun yung pagtulong ko kay Jiro. Inisip ko na lang, high profile kasi yung bata. Mabuti nga tinulungan ako ng staff ng ‘Kapuso Mo Jessica Soho’ para matagpuan si Jiro. Hindi ko naman ugali na magpapa-media kapag tumutulong ako sa kapwa. At saka maraming nagtatanong sa akin tungkol kay Jiro, eh di siyempre, natural lang na sagutin ko. Gaya na lang noong napabalitang patay na siya. Bilang tumatayong guardian niya, kailangan kong magsalita at patunayan na buhay na buhay pa si Jiro,” paliwanag ni Ai Ai.

Balitang na-trace nyo na yung tunay na ama ni Jiro at balak mo daw dalhin doon ang bata para makilala na niya ito. Kailan ito mangyayari?

“Tinulungan ako nina Mr. and Mrs. Nakasawa, Pinay yung naging asawa ni Mr. Nakasawa. Sila yung nag-search sa tatay ni Jiro sa Japan. Pero ako yung nag-desisyon na huwag munang kausapin yung ama ni Jiro total wala pa naman si Jiro eh. Saka na lang kami magpa-plano pag labas nung bata mula sa wellness facility kung nasaan siya ngayon. At saka kailangan naming pag-isipan kung paano yung gagawin kasi may pamilya na yung tatay at saka may mga anak. 4 months pa si Jiro dun [sa rehab], sa December, hopefully makalabas na siya,” paliwanag ni Ai Ai.

Balak daw ni Ai Ai na pagkatapos ng Christmas saka sila aalis ni Jiro patungong Japan. Ayaw rin kasi niyang mabigla yung bata at saka magiging busy rin kasi siya sa MMFF movie nila ni Vic Sotto. “Siyempre kailangan ko rin ikundisyon yung emosyon ni Jiro. Kasi kahit ako, walang makakapagsabi kung paano siya tatanggapin ng tunay niyang ama.”

Ginagawa daw niya ito kasi tingin niya ang gusto lang ni Jiro ay yung magkaroon ito ng closure sa amang Hapon. “Palagi kasi niyang sinasabi na ‘Gusto kong makita ang Daddy ko.’ Pinagpe-pray ko lang palagi na sana maging maganda yung ending ng magiging pagkikita ng mag-ama,” paglalahad ni Ai Ai.

Nagbigay rin ng update si Ai Ai sa kondisyon ni Jiro sa loob ng wellness facility. “Madalas na siyang nagba-basketball at Zumba. Medyo tumaba na nga siya kaya pinapag-diet ng mga nutritionist para rin sa health niya. Nagpaputol na rin pala siya ng nails, dati kasi ang haba-haba talaga ng kuko niya. Sa nakikita ko, masaya ako na he has improved a lot. First time ko rin siyang nakitang tumawa ulit. Nung una ko siyang nakita, ayaw niyang magpa-picture. Pero nung sinabi ko sa kanyang ‘namatay’ siya sa Facebook, sabi niya, ‘Talaga? May ganun?’ tapos tumawa siya,” kuwento pa ng komedyana.

“Ngayon nga lang ako nakakita nung ikaw na yung tumulong, ikaw pa yung bina-bash. Pero ayos lang, naiintindihan ko naman sila [bashers],” dagdag pa ni Ai Ai.  May ilang miyembro pa nga ng press ang makakapagpatunay na maraming tinutulungan si Ai Ai gaya ng isang seminaristang inilapit nila sa kanya na taga-Batangas na hanggang ngayo’y tinutulungan ng Comedy Queen. Kaya’t napaka-unfair para kay Ai Ai na siya na ngang gumagawa ng kabutihan, siya pa itong bina-bash. May nagbanggit pa na nagbo-boluntaryo pala si Ai Ai na magpaligo ng mga may sakit at matatanda sa Missionaries of Charity.  Ikinagulat ng komedyana na may nakakaalam nito. “22 years ko na yun ginagawa. May nagsabi lang sakin na tuwing nalulungkot daw ako, doon daw ako pumunta at magpaligo sa kanila [matatanda] at mawawala na raw yung lungkot ko na totoo naman,” kuwento pa ni Ai Ai.

Pati nga ang pagtulong ni Ai Ai sa pagkalap ng pondo ng pagpapatayo ng simbahan sa may Commonwealth ay iniintriga ng kanyang mga detractors. “I’ve got nothing more to prove. Ibinabalik ko lang sa Diyos yung mga blessings na dumarating sa akin. May pondo na yung Kristong Hari Parish ng 48M, pero kailangan nila ng 350M para matapos ang napakalaking Basilica. Siguro yung malilikom sa concert na ipo-produce ko, mga 10M. Maliit na halaga lang yun pero at least malaking tulong na rin,” sabi pa niya.

“Sana maraming manood nung concert na may pamagat na “For The Love of Mama” na gaganapin sa Oct. 27 sa SM Mall of Asia Arena. Hindi ako ang bida doon kung hindi yung 6 Priests in the City at saka yung Kerygma 5. Ako lang yung producer at saka isa sa mga special celebrity guests. Marami na akong friends na artista na pumayag nang mag-guest gaya ni Erick Santos,” bulalas ni Ai Ai. Yung lahat ng malilikom daw hanggang sa pinakadulong centavo ay mapupunta sa Martina Delas Alas Foundation [MEDA] na siyang mag-turnover sa Kristong Hari Parish. Pangako ni Ai Ai na wholesome ang kanyang magiging production number sa naturang concert. “Oo, kakanta ako ng “It’s Raining Grace. Gusto nga ng mga pari tungkol kay Mama Mary eh.”

Patapos na ang ‘Let The Love Begin’ na teleserye niya sa GMA. Ano ang dapat na abangan ng fans sa kanya? “Malapit ng magsimula yung ‘Sunday PINASaya,’ kakaiba siyang show kasi para siyang ‘Saturday Night Live.’ So expect some gags and sketches in between production numbers. Hindi siya typical variety show gaya ng akala ng iba. Ang maganda sa kanya, live lahat yun na gagawin at saka maganda yung set namin. Nakakaaliw talaga. Sobrang excited nga ako kasi kasama ko sina Kambal [Marian Rivera], sina Wally Bayola at Jose Manalo. So pag pinagsama-sama mo kami, siguro naman alam nyo ng riot di ba? Alam mong pinagisipan yung show kaya pakaabangan ninyong lahat,” pangako niya.

Wala ba siyang balak tumakbo sa pulitika sa kanyang bayan sa Batangas?

“Mas gusto kong tumakbo sa Amerika. Kapag laos na ako at di na ako kailangan sa Pilipinas ng fans ko, tatakbo ako sa Amerika, tutal green card holder naman na ako. Hahaha,” birong sagot ni Ai Ai sa tanong ng Philippine Showbiz Republic (PSR.ph). Pero aminado ang Comedy Queen na kapag nag-desisyon na itong magretiro sa showbiz ay sa Amerika na nito balak manirahan kapiling ang kanyang mga anak.

Sa ngayon ay tinatanong ng GMA 7 si Ai Ai kung anu-anong concept ng show ang gusto niyang maging proyekto. “Gusto ko ng isang talk show na mala ‘Eye to Eye’ or ‘See True’ ang concept. Gusto ko rin ng game show at isang morning show. Once a year, nakasaad sa kontrata ko na may isang drama ako para hindi naman ako magsawa na puro na lang comedy. For this year, yun na yung ‘LTLB’, so quota nako sa drama,” pagtatapos ni Ai Ai.

Sa tinagal-tagal ni Ai Ai Delas Alas sa showbiz—all of 25 years, hindi biro ang naiambag ng komedyana sa industriya ng pelikulang Pilipino. Marapat lamang na ipagdiwang ang kanyang pananatili sa showbiz sa pamamagitan ng Ai Lab You commemorative magazine niya. Nawa’y patuloy ang pagbibigay aliw at tuwa ni Ai Ai sa kanyang mga tagasubaybay at ang pagtulong ng bukal sa kanyang puso sa mga taong nangangailangan tulad ni Jiro Manio at ang pangarap niyang makalikom ng pondo para sa simbahan ng Kristong Hari.

Leave a comment

Leave a Reply