Get to know Maine Mendoza aka ‘Yaya Dub’ behind the camera
by PSR News Bureau
Kung iisipin, masasabing sikat na sikat na nga si Maine Mendoza, ang other half ng tinitiliang loveteam na ‘AlDub.’ Napakaraming humahanga at napapasaya ng ‘AlDub’ sa tuwing lalabas sila sa Kalyeserye ng ‘Eat Bulaga.’ Kaya naman hindi na rin katakataka na inuulan rin sila ng bashers o kaliwa’t kanang pagpuna mula sa netizens at iba’t-ibang fan base. Paliwanag naman ni Ms. Malou Choa-Fagar, executive ng TAPE Inc., punong tagapamahala ng ‘Eat Bulaga,’ “Normal lang yun. May kanya-kanyang gusto ang fans lalo na sa mga loveteams.”
Ipinagmamalaki pa ni Malou na si Maine ay nanawagan na sa kanyang mga followers na kung wala rin lang magandang sasabihin, huwag na lang magsalita. Napaka-positibo pa niya bilang tao at edukada. Kakaunti pa lang ang nalalaman ng publiko tungkol kay Maine. Nililimitahan pa kasi nila ang exposure nito sa media bilang pagpapanatili ng misteryo ng kanyang pagkatao sa ‘Eat Bulaga.’ Ni wala pa ngang nakakarinig ng kanyang boses.
Ayon pa kay Fagar, fun-loving sa personal si Maine. Mabait daw ito at hindi madaldal. May breeding, ika nga. Medyo mahirap para kay Maine na gampanan ang karakter ni Yaya Dub. Bawal nga daw umano itong magsalita in public kahit kasama pa nito ang kanyang pamilya.
Sa tanong kung saan hahantong ang love team nina Alden at Maine, “Alam ninyo, everybody’s wishing na there’s really more than what you see on TV. Siyempre, hindi ko kayang sagutin iyon. Siguro sa tamang panahon,” sabi ni Ms. Malou.
Miski ang character ni Wally Bayola bilang Lola Nidora ay kinatutuwaan ng mga manonood. Marami kasing magagandang values ang nakukuha nila mula kay Lola Nidora, katulad ng hindi dapat binabali ang tiwala at ang pag-ibig ay hindi minamadali.
Masasabing ‘nakabawi at nakabalik’ na nga talaga si Wally pagkatapos nang naging eskandalo nito noong taong 2013. “Wally deserves a second chance naman talaga. He’s a very good guy, very cooperative, he deserves it all,” pagtatapos ni Ms. Malou.