
Jeric Gonzales is happy for Alden Richard’s success
By Rommel Placente
Kasama si Jeric Gonzales sa bagong serye ng GMA 7 na “Destiny Rose” at gumaganap siya rito bilang kababata ng bida ritong si Ken Chan.
“Mai-inlove sa akin si Joey (Ken). Pero hindi kami magkakaroom ng relasyon, hindi magiging kami,”sabi ni Jeric sa panayam sa kanya ng Philippine Showbiz Republic (psr.ph).
Kahit magkaibigan lang sila ni Ken sa serye, magkakaroon ba ng eksena na hahalikan siya nito?
“May dream sequence roon na iki-kiss niya ako pero hindi natuloy,” natatawang sabi ni Jeric.
Pero paano kung sa mga susunod nilang eksena ay matutuloy na ang kissing scene nila, okay lang ba sa kanya na makipaghalikan kay Ken?
“Siguro kakayanin, kung talagang kailangan sa eksena. Saka komportable na naman kami sa isa’t-isa, hindi na kami magkakainlangan pa kung magkakaroon kami ng ganung eksena.”
Bago napunta kay Ken ang ‘Destiny Rose’ ay nag-audition muna pala siya para rito na sinuwerte na siya ang napili. Si Jeric din pala ay nag-audition dito.
“Nag-audition ako run. Tatlo na nga lang kaming natira. Yung isa ay si Kiko Estrada. Ibinigay ko yung best ko, pero ang laki ko talaga!. Ang gusto nila ay yung petite at medyo maliit lang ang katawan,” kuwento niya.Aminado naman ang guwapong aktor na nanghinayang din siya na hindi napunta sa kanya ang role bilang isang transwoman.
“Siyempre nakakahinayang din, nakakalungkot Nag-expect din naman ako na magkaroon ng lead role rin. And napakaganda pa nitong role, first time na gagawin ‘to. Pero yun, sabi nga, siguro may iba pang role na bagay sa akin.”
Kababayan ni Jeric si Alden, pareho silang tubong Laguna. Kaya masaya ang una sa kasikatang tinatamasa ngayon ng huli.
“Sobrang proud ako na kababayan niya. Ever since naman na pumasok ako ng Protégé, sinasabi ko nang siya ang isa sa gusto kong tularan sa path ng career.
“Kasi from Ginoong Sta. Rosa, Ginoong Laguna, tapos dito, yung career niya, talagang grabeng pinaghirapan niya. He’s a good man. Magaling siyang artista. So, ayun, masaya ako, proud ako Someday, gusto kong maging katulad din niya.”