Dennis Trillo gets his biggest talent fee for “Felix Manalo” biopic
By: Archie Liao
The biopic “Felix Manalo” is probably the most expensive film to date dahil may budget ito na humigit kumulang sa P150 million. Star-studded din ito dahil tampok dito ang halos lahat ng mga kilalang artista sa puting tabing. Ayon nga sa premyadong actor na si Dennis Trillo, biggest and most challenging role niya so far ang “Felix Manalo” at mahirap na itong mahigitan pa.
Aminado rin si Dennis na nahirapan siya sa pagpo-portray sa makulay na buhay ng kauna-unahang executive minister ng Iglesia ni Kristo.
“Nang ialok sa akin iyong role, konti pa lang ang alam ko tungkol sa kanya. Nang malaman ko na ako na ang gaganap, nagsaliksik na at nag-research tungkol sa kanya. Pinagbasehan ko iyong mga audio at paulit-ulit kong pinakinggan. Hindi kasi uso ang mga video recording noong panahon niya. Pinagbasehan ko rin iyong mga litrato at kung paano ako magmumukhang katulad niya,” lahad niya. “Bago ko kasi gawin iyong pelikula, sumailalim din muna ako sa immersion. Sila ang nag-guide sa akin. Binigyan nila ako ng background tungkol kay Ka Felix pati iyong mga babasahin para maging ready ako sa gagampanan kong papel,” dugtong niya.
Ano ang mga nadiskubre mo kay Ka Felix?
“Marami akong natutunan sa kanyang pagkatao. Kung bakit pag nagsalita siya ay nakikinig ang lahat. Yung boses niya kasi ay very commanding. Pero, bukod diyan, makikita rin dito kung paano siya sa bahay kung hindi siya nagpre-preach. Kung paano siya bilang asawa, ama at lider,” ayon kay Dennis.
Hindi pa naapektuhan ang creative freedom mo kung paano mo bibigyang buhay si Ka Felix dahil kailangang sumailalim ka sa masusing guidance ng mga INC?
“Totoong tao kasi si Ka Felix, so hindi ako puwedeng magdagdag o mag-adlib. Hindi rin ako puwedeng mag-improvise dahil nandiyan iyong gabay ng mga kapatid natin at mga ministro sa set. Sinusunod ko lang ang utos nila dahil sila iyong nakakaalam sa buhay niya,” paliwanag niya.
Kasama ba sa kontratang pinirmahan mo noong pumayag kang gumanap na Felix Manalo na hindi ka puwedeng tumanggap ng role, halimbawa, ni San Lorenzo Ruiz, na alam naman nating hindi naaayon sa paniniwala ng INC? O may holding period ba na hindi ka muna puwedeng gumanap sa isang role na tatalakay sa Katolisismo pagkatapos mong gumanap ng Felix Manalo?
“Wala namang restriction na ganoon,” paglilinaw niya.
Kung sakaling may isang Catholic religious icon na gustong isapelikula at io-offer sa iyo pagkatapos ng Felix Manalo, tatanggapin mo?
“Depende kasi sa proyekto. Lahat ito ay trabaho lang. Depende rin sa schedule. Wala namang sigurong masama kung saka-sakali,” aniya.
Icon si Felix Manalo. May pressure ba sa iyo na kailangang protektahan mo ang imahe mo dahil sa mga expectations sa iyo dahil tinitingalang historical figure si Ka Felix?
“Hindi ko iniisip iyon. Ito ay isang role na ginagampanan ko. Hindi ko iniisip ang mga after-effects basta ang tinitingnan ko ay iyong kagandahan ng role at iyong kagandahan ng pelikula.”
Bilang Katoliko, hindi ba naapektuhan ang paniniwala mo sa Diyos at simbahan sa naging engkuwentro mo kay Felix Manalo?
“Hindi naman. Hindi naman dahil sa isang pelikula, mababago na ang paniniwala mo o relihiyon. Nagbabasa rin ako ng Bibliya at minsan mapapaisip at mapapaisip ka rin talaga kung paano iyong interpretasyon nila sa Bibliya na pareho namang paniniwala sa Diyos ang pundasyon,” pagwawakas ni Dennis.
Bagamat ayaw i-confirm o i-deny ni Dennis, napabalitang ang “Felix Manalo” ang pelikulang pinakamalaki ang talent fee ng actor.
Ang Felix Manalo ay biopic ni Felix Manalo, ang kauna-unahang executive minister ng Iglesia ni Cristo na tinatawag na sugo o last messenger of God.
All-star cast ito na kinabibilangan nina Bela Padilla, Gabby Concepcion, Heart Evangelista, Snooky Serna, Gladys Reyes, Tonton Gutierrez, Joel Torre, Richard Yap, Bembol Roco, Alfred Vargas, Christian Vasquez,Wendell Ramos, Elizabeth Oropesa, Alice Dixson, Raymond Bagatsing, Ruru Madrid, Mon Confiado, Ejay Falcon, Elizabeth Oropesa, Mylene Dizon, Jaime Pebanco, Yul Servo, Jaclyn Jose, Sheryl Cruz, Arci Munoz, Eddie Gutierrez, Ryan Eigenmann, Phillip Salvador, Lorna Tolentino, Glydel Mercado, Andrea del Rosario, TJ Trinidad, Lloyd Samartino at maraming iba pa.
Mula sa Viva Films, ito ay sa direksyon ng multi-award winning director na si Joel Lamangan.
Palabas na ito sa October 7 sa lahat ng mga sinehan sa buong bansa at nakatakdang mag-premiere sa October 4 sa 55,000 seater na Philippine Arena.