Nora Aunor still needs financial assistance for her throat operation
By: PSR News Bureau
Hanggang ngayon ay hindi pa rin natutuloy ang operasyon sa lalamunan ng Superstar na si Nora Aunor. Ayon sa aktres ay kulang pa rin ang pondo niya para rito. Bagamat marami na ang nagpahayag ng interes para tulungan ang aktres gaya na lamang nina Boy Abunda at Kris Aquino noon nang maging guest nila ang Superstar sa dating ‘Aquino and Abunda Tonight’ sa ABS-CBN noong May 1,2015, hindi pa rin sapat ito.
“Malaki po ang naitulong ni Kuya Boy,” saad ni La Aunor. “Kaya lang, sabi ko nga po, hindi pa yun sapat kasi malaking halaga talaga ang kailangan ko, milyon. Unang-una kasi, pagdating mo dun, siyempre, saan ka tutuloy kung hindi sa hotel dahil wala naman tayong bahay sa Boston. Ikalawa, yung ospital na pagdarausan ng pagpapagamot, walking distance lang yun sa hotel. Mga ilang linggo rin bago ako makaka-recover. Tapos nun, halimbawa, matapos ang operasyon, pupunta ka pa ng New York para sa therapy. Kung ilang buwang gamutan, hindi ko pa alam.”
Tungkol naman sa tulong na ipinangako ng Queen of All Media na si Kris Aquino, malungkot na inamin ni Nora na sa mga sandaling ito ay wala pa siyang natatanggap mula sa TV host. Direstsahang sinabi naman ni Nora na hindi na ito umaasa pa sa naipangakong tulong ni Kris sa kanyang opersayon sa lalamunan. Wala naman daw siyang sama ng loob dito sa hindi pagtupad nito sa nasabing pangako. “Hindi, Ba’t naman ako magtatampo? Hindi ko nga iniintay yun e,” pagtatapos ni Nora.