
“Age doesn’t matter when it comes to love.” – Ai Ai Delas Alas compares Vic-Pauleen romance to her relationship with boyfriend Gerald
by PSR News Bureau
Aminado ang Comedy Queen na si Ai Ai Delas Alas na hindi biro ang inabot niyang mga pamba-bash nang magsimula ang relasyon nila ng kanyang boyfriend na si Gerald Sibayan, na nagkataong 20 years ang agwat ng kanilang edad. Pero naniniwala siya na pagdating sa pag-ibig, hindi kailanman dapat maging handling ang agwat ng edad. “Numero lang iyan,” sabi ni Ai Ai. 50 years old na ang magaling na komedyana samantalang 21 years old pa lang si Gerald na nobyo nito.
Kaya’t naiintindihan niya ang sitwasyon nina Vic Sotto at Pauleen Luna. Gaya nila, malaki rin ang agwat ng edad nina Pauleen at Vic. 61 years old na si Bossing Vic at 26 pa lang si Pauleen. Tulad nila, marami rin ang humusga sa kanilang pagmamahalan ni Gerald. Pero napatunayan naman niya sa paglipas ng panahon na seryoso silang nagmamahalan. Lingid sa kaalaman ng marami, hindi umano sila nag-aaway ni Gerald dahil halos magkasundo sila sa lahat ng bagay. Kung magkaroon man sila ng tampuhan, siguradong panandalian lang lahat.
Botong-boto rin ang mga anak ni Ai Ai kay Gerald. “Katwiran nila, as long as masaya ako at wala naming masamang ginagawa sa akin yung tao, okay sa kanila [mga anak niya],” paliwanag ni Ai Ai.
Sa kaso naman ni Danica Sotto-Pingris nang makausap ng Philippine Showbiz Republic (psr.ph), sinabi nito na wala naman daw siyang pagtutol sa nasabing relasyon at desisyong pagpapakasal ng ama kay Pauleen. “Aaminin ko na nandun pa rin ako sa surreal moment. Hindi pa siya nagsi-sink in sa akin. Pero suportado ko si Daddy sa kanyang mga plano. Hangad ko ang kaligayahan niya palagi. Kaya’t kung tatanungin mo ako, sasabihin ko sa iyo na wala akong anumang pagtutol. I wish Daddy happiness more than anything.”
Gaya ni Danica, wish din ni Ai Ai na maging masaya ang pagsasama ng kanyang co-star sa MMFF entry na “My Bebe Love” na si Vic Sotto sa piling ng magiging kabiyak nitong si Pauleen Luna sa nalalapit nitong kasal sa Enero 2016.