
Alden considers Maine a big part of his success
Walang dudang ang ‘Pambansang Bae’ na si Alden Richards ang hottest male celebrity natin ngayon. Bukod sa kanyang mga TV shows at popularidad ng kanyang Aldub kalyeserye sa “Eat Bulaga,” certified hit din ang kanyang single na “Wish I May” at bago pa man ilabas ito sa iTunes ay bestseller na.
Kahit nga ang mga dayuhang TV networks ay naging interesado nang i-cover siya at si Maine sa kanilang mga bansa dahil hindi naman maikakailang “Aldub” is already a global phenomenon. Dagdag pa riyan, kabi-kabila ang kanilang mga product endorsements at mga commercials.
Sa kaso ni Alden, siya na ang most-sought after celebrity endorser of his generation na sa loob lamang ng tatlong buwan ay humigit kumulang ay may isang dosenang product endorsements na at patuloy na nadaragdagan pa. Kung walang patid man ang mga blessings na tinatanggap ni Alden, ito ay dahil dumating na ang kanyang tamang panahon. After all, he’s one hardworking guy na nananatiling grounded at humble na bago natamo ang tinatamasang kasikatan ay nagdaan rin sa maraming pagsubok at hirap bilang artista.
Ayon nga kay Alden, naniniwala siya na “patience is a virtue” at kung nag-pay off man ang kanyang mga efforts, ito ay talagang ipinagdasal niya, pinagtrabahuhan at matagal na hinintay.
Aniya, overwhelmed pa rin siya sa mga tinatanggap na blessings niya dahil hindi niya ini-expect na magsusunod-sunod ang mga ito.
Sa isang product launch na kanyang ine-endorso, pinabulaanan ni Alden ang isyung may offer sa kanya ang isang presidentiable na tumataginting na P100 milyon para ikampanya ito. Kung sakali raw namang may mag-o-offer sa kanya, tatanggihan raw niya ito dahil masaya na siya sa kanyang estado at naniniwala siyang hindi dapat pinaghahalo ang showbiz at politics.
May mga nagsasabing ang kasikatan mo raw ngayon ay dahil lang kay Maine Mendoza. Ano’ng masasabi mo rito?
“Actually, tulungan po talaga kami ni Maine. It’s a team effort po. Kaya nga po, love team kami. Nagtutulungan po kami to support one another. Wala pong Aldub kung wala si Maine at ganoon din po si Maine sa akin,” aniya. “Maine and I want to be better in this industry. Sana, tuloy-tuloy lang po ang suporta at wala pong bibitaw,” dugtong niya.
May balak ang GMA-7 na gawan ka ng bagong teleserye. Sa palagay mo ba, susuportahan ka ng Aldub nation kung sakaling ipareha ka sa iba o minus Maine Mendoza?
“Actually, pinag-uusapan pa lang po iyon. Talent po ako ng GMA kaya kung ano ang ibigay nilang project sa akin, gagawin ko dahil malaki ang tiwala ko sa kanila,” paliwanag niya. “Kung sakali man pong i-partner ako sa iba, sana tuloy pa rin ang suporta sa akin ng mga Aldub followers,” sabi pa ng guwapong aktor na kilala sa kanyang ‘killer dimples.’
Sino ang gusto mong maka-partner sa isang TV series?
“Siyempre po, ma gusto ko sanang si Maine. Kasi, iyong love team namin gusto naming alagaan hindi lang para sa mga televiewers kung hindi maging para sa buong Aldub nation.”
Ayon pa kay Alden, marami pang mga kaabang-abang na kabanata ang magaganap sa kalyeserye nila ni Yaya Dub sa “Eat Bulaga.”
“Sorpresa sa amin ni Maine kung ano ang mangyayari. Hindi nauubusan ng ideas ang creative (department) namin. Everyday is always a mystery sa kalyeserye. Kahit kami, sinusorpresa na lang kami ng mga emotions, actions at ng mga ginagawa namin at sa mga kaganapan sa kalyeserye. Kaya kung gaano ang excitement ng mga taong sumusubaybay, ganoon din ang excitement namin,” pagtatapos ni Alden.