
Alden Richards and Maine Mendoza recipient of Philippine Walk of Fame Stars
by PSR News Bureau
Dahil sa tinamong phenomenal na kasikatan, bibigyang parangal sina Alden Richards at Maine Mendoza [mas kilala sa pangalang ‘AlDub’] na makakatanggap ng sarili nilang Walk of Fame stars sa taunang Philippine Walk of Fame na gaganapin sa darating na December 1 sa Eastwood City, Libis, Quezon City.
Maging ang kasama ng AlDub at fellow Dabarkads nilang sina Jose Manalo, Wally Bayola, at Paolo Ballesteros ay magkakaroon rin ng sarili nilang bituin sa nasabing Walk of Fame. Ang nabanggit na tatlo ay kilala rin sa pagpapatawa nila sa nakakaaliw na Kalyeserye segment ng noontime show na “Eat Bulaga” kung saan unang nakilala at tinanggap ng tao ang tambalang AlDub. Binigyang buhay nila ang papel ng Da Explorer sisters na siyang nagbibigay ng kakaibang kulay at timpla ng kwela’t, aral at saya sa nasabing Kalyeserye.
Kasama ring tatanggap ng Walk of Fame na parangal para sa taong ito sina Julie Anne San Jose at Jake Vargas na kasalukuyang napapanood sa GMA afternoon serye na Buena Familia.
Sinimulan ang proyektong ito ng Walk of Fame Philippines ni Master Showman German “Kuya Germs” Moreno, bilang local counterpart ng mas tanyag na Walk of Fame sa Hollywood. Ayon kay Kuya Germs itong proyektong ito ay kanyang itinatag upang magbigay pugay sa mga artista na malaki ang naiambag sa larangan ng sining at local showbiz industry. Nasa ika-10 taon na ng proyektong Walk of Fame Philippines na nagsimula noong December 1, 2005.
Noong nakaraang taon ay nakatanggap na rin ng nasabing parangal sa Walk of Fame sina Willie Revillame, Kathryn Bernardo, Daniel Padilla, Tom Rodriguez, at Vice Ganda.