
Alyanna Martinez is now engaged!
by PSR News Bureau
Engaged na nga si Alyanna Martinez, ang kilalang fashion stylist at blogger na anak nina Albert at ng yumaong si Liezl Sumilang-Martinez. Inihayag ng dalaga na engaged na siya sa kanyang ‘best friend at forever adventure partner’ na photographer na si Roy Macam. Madami ng napatunayan si Alyanna sa edad na 30. Masaya si Alyanna dahil nag-propose sa kanya si Roy matapos nilang makarating sa tuktok ng based camp ng bundok ng Mount Everest. Para kay Alyanna, ang nasabing trip sa bundok ay isa sa marami niyang maituturing na extreme adventure.
Medyo nalulungkot lang si Alyanna na hindi na nakita ng kanyang yumaong ina ang kanyang kasiyahan na makakasama na niya ang nobyong si Roy ng panghabambuhay. “Nasaan man naroroon ngayon, sigurado akong natutuwa siya [Liezl] para sa amin ni Roy,” bulalas ni Alyanna.
Bagamat hindi pa rin lubusang nakaka-recover ang lola niyang si Amalia Fuentes sa ischemic stroke na nangyari dito nang magbakasyon ito sa South Korea nitong taon matapos pumanaw ang kaisa-isang anak na si Liezl, sinabi ni Alyanna na kahit paano ay nagkaayos na sila ng Lola niya. Anuman raw ang naging alitan nila noong panahon na nawala sa kanila ang kanyang pinakamamahal na ina ay tapos na raw.
Inamin ni Alyanna na hindi pa masyadong maayos ang relasyon sa pagitan ng kanyang abuela at ng kanyang ama na si Albert, pero naniniwala siya na darating ang tamang panahon na magkakaayos din ang mga ito. Hangad daw niya na sa araw ng kanyang kasal ay maging maayos na ang lahat.
Mula sa Philippine Showbiz Republic (PSR.ph), congratulations kay Alyanna at Roy!