
Chariz Solomon gives birth to second baby
by PSR News Bureau
Siguradong magiging masaya ang kapaskuhan para sa komedyana at Bubble Gang mainstay na si Chariz Solomon dahil sa pagdating ng isang bagong sanggol. Kapapanganak lang ni Chariz sa ikalawang anak niya na pinangalan niyang Ali Joakim nitong Huwebes, December 17.
Ayon sa komedyana, ninerbiyos daw siya dahil pangalawang Caesarean section (CS) operation na niya ito. Pero laking pasasalamat daw niya na kasama at kaagapay niya ang kanyang asawang si Nestor sa kanyang panganganak. “Sobrang ninenerbiyos ako sa repeat CS operation ko. My first emergency CS operation with Apollo [eldest niya] kasi, kailangan akong patulugin bigla. So wala akong masyadong naaalala. Taliwas ito ngayon na I was completely aware of everything. Ninerbiyos ako so I told Nestor to play our song, using my cellphone, pinatugtog nga ng asawa ko yung “I don’t wanna miss a thing” ni Aerosmith,” masayang kuwento ni Chariz sa Philippine Showbiz Republic (PSR.ph).
Lubos ang pasasalamat ni Chariz sa kabiyak. “It’s my all-time favourite song. Sobrang bagal mag-load yung youtube so what my husband did, kinanta nya na lang yung kanta. Oo, habang inooperahan ako, sa operating room, sa harap ng maraming tao ginawa ng asawa ko yun. Na-relax talaga ako.”
“Salamat babe for being there. Hindi ka man singer ay talagang na-appreciate ko ang effort mo. We love you dad! We are so proud of you.”
Masaya rin si Apollo sa pagdating kanyang nakababatang kapatid. Excited na rin siya na maalagaan ito at matawag siyang “Kuya.”
Walang humpay na pasasalamat din ang nais iparating ni Chariz sa Diyos sa kanyang maluwalhating panganganak.