
Director Erik Matti slams MMFF for alleged scandals
Kahit pa tapos na ang Gabi ng Parangal para sa 41st Metro Manila Film Festival (MMFF) na naganap kagabi, December 27, sa KIA Theater, Araneta Center, Cubao ay tuloy pa rin ng paghahayag ng kanyang saloobin ang Honor Thy Father director na si Erik Matti laban sa pamunuan ng nasabing award-giving bodies. Hindi nga dumalo ang premyadong direktor pero nagpadala na lang ito ng mensahe sa kanyang acceptance speech bilang Best Director.
Nag-repost din si Direk Erik ng nasabing speech sa kanyang Facebook account kagabi. Iginiit niya na mananatili siya sa kanyang mga nasabi sa kabila ng ibinigay na parangal sa kanya.
Narito ang ilang bahagi ng kanyang naging saloobin: “Kahit kailan po, hindi ako gumawa ng pelikula para magka-award. At kung may mga reklamo man ako sa MMFF, hindi ‘yan tungkol sa pag-disqualify niyo sa Honro Thy Father from the Best Picture category. Naglabas na ng statement ang producer namin na si Dondon Monteverde. Sang-ayon ako sa mga sinabi niya doon. Mas malalim kesa diyan ang disappointment ko sa MMFF. Mula sa pagpili niyo ng mga sineng isasali hanggang sa pagkunsinti niyo sa masahol na trato ng mga sinehan sa ibang pelikula, lalo na ng maliliit na producers.”
“Para sa isang die-hard movie fan na gaya ko, hindi ko na halos makilala ang film festival na dati kong hinangaan at nirespeto. Maraming salama na lang sa libreng publicity at higit sa lahat, sa pagbukas ng pinto para pag-usapan na sa wakas ng filmmakers, pati ng moviegoers, ang mga hinahangad nilang pagbabago sa MMFF.”
Bukod sa nasabing Facebook post, nagkasunod-sunod din ang post ng direktor sa Twitter account nito kung saan muli niyang iginiit ang kanyang pagkadismaya laban sa mga anomalyang kinasasangkutan diumano ng pamunuan ng MMFF. Ayon sa ilang alingasngas, ito raw ay dahil mayroon diumanong MMFF organizer ang “kasosyo sa isa o dalawang MMFF film.” Tinawag din ni Direk Erik na ‘ganid sa pera’ ang mga hindi niya pinangalanang personalidad na diumano’y sangkot sa isyu.
Sa huli, nanawagan na lang si Direk Erik sa mga manonood na patuloy pa rin na suportahan ang pelikulang Pilipino. Hangad ng direktor na maitaas pa rin ang kalidad ng mga lokal na pelikula.
Aniya, “Sa lahat naman ng Pilipinong hindi pa rin nagsasawang manood ng mga gawa namin dito, salamat sa inyo. You deserve better. Kaya tulungan ninyo kami. Demand for better films! Demand for more choices in the cinemas! May pag-asa pa para baguhin natin ito. Hindi ako titigil kung hindi rin kayo titigil.”
At muli nitong iginiit na: “Hindi na ito tungkol sa Honor Thy Father. Buong industriya ng paggawa at panonood sa pelikulang Pilipino ang usapan na ‘to. Kaya salamat na rin sa inyo, MMFF. Binuhay niyo ang pag-asa ko para sa pagbabago.”
Matatandaan na diniskwalipika ng pamunuan ng MMFF ang Honor Thy Father, na pinagbibidahan ni John Lloyd Cruz, mula sa listahan ng Best Picture nominees para sa MMFF Awards Night ngayong taon. Kaugnay umano ito ng “non-disclosure” ng produksiyon tungkol sa pagsali ng naturang pelikula bilang bahagi ng Cinema One Originals Festival noong Nobyembre. Isa pa sa naging isyu ng direktor ay ang pumutok na balita mula sa mga manonood na diumano’y nagkakaroon ng ticket-swapping na naganap sa ilang SM Cinemas sa pagbubukas ng MMFF noong araw ng Pasko, December 25.