
Claudine Barretto says 2016 is her lucky year
by PSR News Bureau
Ayon na rin mismo kay Claudine Barretto, maganda ang naging pasok ng taong 2016 sa kanya. Nagkaroon kaagad siya ng mga proyekto kabilang na ang isang bagong serye sa TV5 at ng Viva Entertainment, ang Bakit Manipis Ang Ulap, kung saan makakasama niya sina Cesar Montano at Diether Ocampo.
Nakapagsimula na nga raw silang mag-taping para sa nasabing serye. Masaya rin si Claudine na muli itong sumalang sa harap ng kamera at bongga pa dahil si Direk Joel Lamangan lang naman ang kanilang magiging direktor na kilala naman bilang isang premyado at magaling na direktor.
Sabi ni Claudine, marami daw kapana-panabik na eksena ang naturang serye na tiyak na ikatutuwa ng mga manonood. Pinagkagastusan nga raw ito na parang isang full length na pelikula.
Malaki rin ang pasasalamat ni Claudine sa dati nitong asawang si Raymart Santiago dahil sa wakas ay naayos na rin ang kanilang personal na problema. Nakatutok sila ngayon sa kanya-kanyang trabaho hindi tulad noon na palaging sa korte na lang sila nagkikita.
Maayos na rin ang kanilang pakikitungo sa isa’t-isa. Malayang nahihiram ni Raymart ang mga bata at hindi man tuluyang nabuo ang kanilang samahan bilang mag-asawa, pero naging mabuti naman na silang magkaibigan. “Iyon naman ang mahalaga, para na rin sa mga bata,” pakli ni Claudine. Naniniwala rin ang aktres na naging ‘good karma’ ang pakikipag-ayos niya sa dating asawa.
Hangad ni Claudine na mabigyan pa siya ng mas maraming proyekto sa kanyang muling pagbabalik at pagiging aktibo sa showbiz. Marami na siyang napatunayan sa takilya at walang puwedeng kumuwestiyon sa kanyang galing sa pag-arte na ilang beses na rin naman niyang napatunayan. “Aminado naman ako na sa tagal kong nabakante sa trabaho, paminsan-minsan ay kinakalawang na rin naman tayo,’” pahayag ni Claudine.
Pero hindi hahayaan ni Claudine na masayang ang isa pang pagkakataon na ibinigay at ipinagkatiwala sa kanya. Ayon sa mga kasamahan niya sa trabaho ay makikita kay Claudine Barretto ang determinasyon at halatang sabik itong bumalik ang dating kinang ng kanyang bituin sa showbiz. Mula sa Philippine Showbiz Republic (PSR.ph), welcome back Claudine!