
Paolo Bediones plans to marry his girlfriend soon
by PSR News Bureau
Matapos ang naging kontrobersiya noon sa kanya, hindi na halos nakikita ang TV host na si Paolo Bediones. Pero kamakailan lang ay muling umingay ang kanyang pangalan. Mayroon palang ibang pinagkakaabalahan ang guwapong TV host na isang bar at restaurant business nito sa lungsod ng Pasig.
Nung masangkot kasi si Paolo noon sa isang video scandal, pansamantalang nanahimik siya sa kanyang karera at piniling maging aktibo sa business. Dito niya naisip na itayo ang Punta Bar. “This is my new baby,” pagmamalaki ni Paolo sa Philippine Showbiz Republic (PSR.ph).
Kumusta na ba siya matapos ang naging sigalot noon? “I’m good. Malaking blessing sa akin itong bar. After what happened talagang I needed therapy. With the support of my family, friends and relatives, nakabangon naman na from that issue. After that scandal, I was glad na hindi naman ako hinusgahan ng lahat ng mga tao, hindi naman ako nababoy and I really appreciate that.”
Dagdag pa niya, “Yun ‘yung isa sa mga nakapag-lift ng aking spirits kasi alam naman natin ang showbiz minsan masalimuot talaga. But I guess ‘yung pinagsamahan natin was more than enough para imbes na pangungutya or panghuhusga, ang ibinalik sa akin ay pang-unawa at saka pag-intindi at pagmamalasakit.”
Marami sa artista ang nakukutya gamit ang pinaka powerful na tool ngayon, ang social media. Ilang batikos ba ang kailangan tanggapin ng isang artista mula sa mga bashers nito? Isa si Paolo sa nakatanggap ng mga ganitong pamba-bash. Ito rin ang nag-fuel sa kanya upang mag-isip kung ano pa ba ang mahihiling niya sa buhay.
“And I realized that I love where I am. I took sort of a break na mga one year. Nawala ako as an anchor. I took a leave of absence from being a news anchor and walang sama ng loob sa network. Naintindihan ko naman na medyo, kailangan kong mag-lie-low dahil nga na-involve ako sa isang controversy. Ako na mismo yung nag-leave of absence. No hard feeling iyan, but like what I’ve said, nakaka-miss gawin yung mga bagay na nasanay kang gawin for the past years.”
Sobrang na-miss daw ni Paolo ang pagho-host ng beauty pageants, reality shows, documentaries at iba pa. Ilan lang ito sa mga bagay na dati nan niyang ginagawa. Sana nga raw ay magkaroon pa rin siya ng puwang sa industriya.
“And as an anchor na-realize ko rin na hindi ko nagagawa ‘yung gusto ko. I am not closing my doors from being an actor but kung meron pang gustong kumuha sa akin na network as an anchor why not?,” kuwento ni Paolo.
Sa usaping love life, masaya daw at makulay ang kanyang buhay pag-ibig. Going strong daw sila ng kanyang nobya na matagal na niyang kilala . Naging sila na daw nito noon pa pero nag-break sila. Ngayon daw ay back into each other’s arms ang drama nila. Isang entrepreneur daw ito na pinili ni Paolo na huwag na pangalanan dahil hindi naman daw siya taga-showbiz. Proud din na ibinida ni Paolo na naipakilala na rin niya ang naturang girlfriend sa kanyang pamilya sa States.
Ang totoo, iniisip na nga raw ni Paolo na lumagay na sa tahimik. Gusto na niyang pakasalan ang kanyang girlfriend. Aminado siyang handa na siya sa buhay may asawa. “Yun na lang ang huling piyesa sa pangarap ko as family ko. Gusto ko munang maiuwi ang Mommy ko dito at dito siya mag-retire. Para wala na akong iisipin pa. Pag pumayag na ang Mommy ko, saka lang ako magpapakasal,” pagtatapos pa ni Paolo.
Sa mga hindi nakakaalam, ang ina ni Paolo ay si Maria Teresa Barba na anak ni Fortuna Marcos-Barba, ang kapatid ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.