June 7, 2025
Home Page Slider Latest Articles

Box-Office Director Cathy Garcia-Molina finally breaks her silence on viral ‘open letter’

Jan 18, 2016

by PSR News Bureau

CGMBuong akala ng kontrobersiyal na direktor na si Cathy Garcia-Molina na kusa din ‘mamamatay’ ang isyung kinasangkutan niya kamakailan lang. Matatandaang inireklamo ang sikat na direktor na namahiya at nagmura diumano ito ng ilan sa kanyang mga naging talents sa natapos na hit telerseryeng ‘Forevermore’ kung saan nagbida sina Liza Soberano at Enrique Gil. Noong kasagsagan ng isyu ay pinili lang ni direk Cathy na tumahimik. Hinayaan niyang magsalita at magsampa ng reklamo ang mga naging ‘extra’ ng palabas na sina Rosselyn Domingo at Alvin Campomanes. Tumanggi rin si direk na magpaunlak ng interview sa mga press dahil sa ayaw na rin niyang palakihin pa ang naturang isyu.

Pero dahil sa hindi nga humihinto ang balita at halos hinusgahan na ang buong pagkatao ng premyadong direktor ng nakararami kahit pa hindi naman nila personal na kakilala ito, kung kaya’t pinili na rin ni direk Cathy na ‘basagin’ ang kanyang katahimikan upang kahit paano ay maipagtanggol naman niya ang kanyang sarili sa labis na pamba-bash sa kanyang pagkatao. Katwiran niya, baka nga naman nalalagay na rin kasi ang kanyang sariling kredibilidad bilang direktor sa alanganin kung hindi pa rin siya magsasalita.

hrthtSa naging eksklusibong panayam sa kanya ni Boy Abunda sa palabas ng huli na ‘Tonight with Boy Abunda,’ hindi napigilang umiyak ng direktor habang binubuksan ang kanyang saloobin hinggil sa nasabing isyu. Aniya, nalaman na lang niya ang reklamo ng mag-nobyong ‘ekstra’ dahil nag-trending ito sa social media. Ayon sa kuwento ni direk, nagulantang na lang ito nang buksan niya ang kanyang social media accounts at mabasa ang mga salitang tumambad sa kanya na hindi naman niya deserve na matanggap. Kung ano-anong uri ng masasakit na salita ang kanyang natanggap gaya na lang ng ‘mal-edukada,’ ‘bitch,’ ‘satanas.’ Miski nga ang kanyang pamilya ay dinamay ng mga taong nakisimpatiya sa mga ‘ekstra’ at kaagad na hinusgahan ang direktor ng walang kalaban-laban.

cathy-garcia-molina21-600x334Lalong lumalim ang pag-aalala ng direktor nang pati ang kanyang pamilya ay nadadamay na ng dahil pa rin sa nasabing isyu. May ilan kasing nagkomento na sinasabing riding-in-tandem lang daw ang katapat ng ulo niya sa halagang P30,000 at tingnan na lang daw kung hindi ito tablan ng bala. Nagkuwento rin ang direktor tungkol sa nangyari noong buwan ng Oktubre 2014 sa taping ng ‘Forevermore,’ kung saan hanggang dalawang beses ay pinagbigyan niya na si Campomanes pero sa pangatlo ay napasigaw na siya at nakapagmura.

Paliwanag ni direk Cathy, inaasahan niya bilang aktor na alam ni Campomanes ang gagawin nito. Bilang direktor, nasa kanya ang pressure na magawa ng maayos ang bawat eksenang ipapalabas, hindi lang para sa management kung hind imaging sa mga manonood.

Sa naging tanong ng magaling na TV host na si Boy Abunda kung magbabago daw ba ang tingin ni direk Cathy kay Campomanes kung noo’y alam na nito na isang guro ito sa University of the Philippines, tahasang sinagot ni direk Cathy na hindi magbabago ang pagtingin niya dito. Aniya, pantay ang pagtinging niya sa tao, mayaman man o mahirap.

Pero ipinaliwanag rin ni direk Cathy na kung nalaman lang sana niya na isang baguhan sa pag-arte si Campomanes, malamang daw na mas nahabaan pa niya ang pisi ng kanyang pasensiya at kung nalaman din daw niya na ‘nakasakit’ pala siya ng damdamin ng mga tao noong mismong araw din na iyon ay kaagad daw siyang hihingi ng dispensa sa mga ito.

Ang buong akala ni direk Cathy ay naayos na ang naturang gulo dahil siniguro ng talent coordinator na siyang kumuha kina Campomanes at Domingo na hindi na nila kinakailangang makipagusap sa mga ito kaya’t laking gulat daw niya nang biglang nagsalita ito sa Facebook kung kalian January na ng taong kasalukuyan at hindi noong kasagsagan ng taping nila para sa ‘Forevermore.’

Dagdag pa ni direk Cathy, hindi daw siya matalino at perpekto, gaya ng nakararami ay nakakagawa rin siya ng mga pagkakamali pero hindi daw siya nagmaltrato ng tao kahit kalian. Inamin niyang totoong nagmumura siya dahil bahagi naman na talaga ito ng mundo ng showbiz at kahit naman sinong direktor ay nagagawa rin ito sa sarili nilang mga artista lalo pa’t kapag hindi nila makuha ang anumang ipinagagawa ng direktor sa kanila.

Bukas naman ang pinto ng direktor na makapag-usap sila nina Domingo at Campomanes para personal rin siyang makahingi ng tawad sa mga ito. Sa isyu naman ng suspensiyon para sa kanya na suhestiyon ng mga tao, aniya wala itong basehan dahil hindi naman pagmamaltrato ang kanyang nagawa kung hindi ginawa lamang niya ang hinihinging gawin ng isang direktor sa kanyang set, responsibilidad niya ang tapusin ang trabaho ng maayos at malinis.

Ang mundo ng industriya ng showbiz ay hindi para sa lahat ng tao. Pakapalan ng mukha at patigasan ng sikmura ito. Kung balat sibuyas ka at masyadong sensitibo, hindi ito nababagay para sa iyo. Kaya’t kung hindi mo rin lang kakayanin ang ganitong sistema, hindi ito ang mundong nababagay sa iyo.

 

Leave a comment

Leave a Reply