
Ai Ai delas Alas goes back to indie
Pagkatapos mapansin sa kanyang pagganap sa Cinemalaya movie ni Nick Olanka noong 2014, balik indie ang magaling na komedyanang si Ai Ai delas Alas, dahil siya ang bida sa pelikulang “Area” (Magreka naka, Magkanu?) na iproprodyus ng BG Films ni Ms. Baby Go with Dennis Evangelista and Ferdinand Lapuz as line producers.
Excited si Ai Ai sa kanyang pagbabalik indie lalo na’t ang kanyang pelikulang “Ronda” ay naging kalahok kamakailan sa Bengalaru International Film Festival kung saan ito pinapurihan at binigyang napansin.
Bilang comedy queen, palung-palo ka sa comedy. Hinangaan ka rin sa “Ronda” . Sa palagay mo ba rito sa “Area,” mapapansin ka na at seseryosohin bilang isang magaling na dramatic actress?
“Modesty aside, marami na rin akong drama awards at malawak na rin ang experiences ko. International na lang ang kulang. Iyon ang gusto kong i-aim kahit man lang isa,” bulalas ni AiAi.
Sa unang indie mo, co-producer ka. Dito ba sa second mo, co-producer ka rin?
“Hindi, sila iyong kumuha sa akin,” paglilinaw ng komedyana.
First movie din ito ng anak mong si Sancho. Package deal ba kayo o naging kundisyon sa pagtanggap mo ng offer ang pagkakasama sa kanya sa pelikula?
“Hindi naman. Actually, gusto ko talaga siyang mag-artista. Ako ang nanay niya at tumatayong manager. Nagkataon lang na may role na bagay sa kanya. Gusto kasi siyang maging magaling na dramatic actor,” depensa niya.
Naging isyu noon ang pagki-claim mo na ang inyong pelikulang “My Bebe Love” ang number one sa takilya sa nakaraang MMFF kung saan you were quoted as saying na ilalaban mo pa ito ng patayan na salungat sa pahayag ng Star Cinema na ang kanilang “Beauty and The Beastie” ang festival topgrosser. Ganoon pa rin ba ang stand mo ngayon?
“Mahirap nang magsalita tungkol diyan dahil maging ang MMFF hindi pa rin naglalabas ng results. Kumbaga, lahat naman tayo ay may opinyon. Siguro hindi lang kami nagkaintindihan sa gusto kong iparating. Siguro, ganoon lang ang naging reaksyon ko noon dahil minsan nagiging emotional ako sa mga bagay na hindi ko pala dapat sinabi,” aniya.
May mga naging isyu din sa social media patungkol sa kawalan mo ng utang na loob dahil sa pagbangga mo sa ABS-CBN na siya naman daw dahilan kung bakit naging box office queen ka?
“Hindi kasi nagbabasa ng mga messages sa twitter. Pero, hindi naman nawawala iyong utang na loob ko sa ABS at Star Cinema dahil almost 14 years din ang pinagsamahan namin. Wala ako kung wala rin sila. Lahat naman kasi lilipas din dahil darating din ang panahon na mag-uusap din kami.”
Willing ka bang makipag-ayos o makipag-usap sa kanila?
“Actually, wala naman talagang isyu dahil kami ni Vice (Ganda), friends kami. Nagte-text pa nga kami sa isa’t-isa. Tulad nang sinabi ko, darating din ang panahon na magkikita-kita rin kami dahil mga kaibigan ko naman sila,” pagtatapos ni AiAi.
Papel ng aging prostitute ang role ni Ai Ai sa “Area” na ididirehe ng magaling na director na si Louie Ignacio ng “Asintado,”“Laut” at “Child Haus.”
Willing din si Ai Ai na ma-deglamourize sa pelikula.
Ang “Area” ay tungkol sa isang bahay-aliwan sa Angeles noong dekada ’70 at ’80 na sikat sa mga kalalakihan kung saan karamihan sa kanila ay doon nabinyagan.
Kasama ni Ai Ai sa pelikula ang internationally acclaimed at multi-award winning actor na si Allen Dizon na lumalabas bilang manager ng casa.
Kabituin din sina Sancho de las Alas, Sarah Pagcaliwagan at marami pang iba.