
Sunshine Cruz reacts to estranged husband Cesar Montano’s alleged newborn babies
by PSR News Bureau
“Talaga? E, di wow!,” ito ang naging reaksiyon ni Sunshine Cruz sa balitang nanganak na diumano ang babaeng nabuntis ng dating asawang si Cesar Montano nang makaharap siya ng Philippine Showbiz Republic (PSR.ph) kamakailan lang sa presscon ng Dolce Amore na bagong teleserye ng aktres sa ABS-CBN.
“Meron na ba? Ilan na raw? Talaga? Naku!,” sunod-sunod na tanong ni Sunshine.
Pilit na iniiwasan ng sexy actress ang mga tanong na may kinalaman tungkol kay Cesar dahil katwiran nito’y hindi naman kasama ang dati niyang asawa sa naturang serye. “Baka sabihin pa na ginagamit ko siya kaya hangga’t maaari sana huwag na natin siyang pag-usapan,” pakiusap niya.
Pero dahil mainit ang isyu nang kontrobersiya sa pagkakabasura ng kanyang isinampang reklamo laban sa aktor kaya’t hindi maaaring hindi ito mapagusapan.
Inamin ni Sunshine na matagal nang nakarating sa kanilang mag-iina ang tungkol sa diumanong nabuntis ni Cesar na ibang babae. “Sa tres marias ko actually matagal nang may nag-send ng message sa kanila na someone is pregnant, parang ganun. It was them who told me, ‘Mom, someone messaged me. You’re on Instagram.’”
Pero binigyang diin ni Sunshine na wala siya sa tamang posisyon para husgahan o pakielaman buhay ni Cesar dahil matagal na nga silang wala. “Naniniwala naman ako na everybody deserves to be happy. Buboy [palayaw ni Cesar] deserves to be happy. He deserves to be in love. Ganoon din naman ako. So nagkataon lang siguro, kung totoo man ‘yang balita na iyan [na nakabuntis ito ng ibang babae], at karapatan niya yun bilang tao,” paliwanag niya.
Kung sakali man daw na totoong nakabuntis nga at may anak sa ibang babae si Cesar ay wala naman daw magiging problema sa mga anak niya kung mayroon silang mga kapatid sa ama.
“Wala silang magiging problema. Of course, my kids will accept whoever ‘yan—kung totoo man ‘yan—with open arms,” kumpiyansang sagot ni Sunshine.
Noong 2015, napabalitang ang bagong karelasyon diumano ni Cesar ay ang dating beauty queen na si Sandra Seifert. Sinasabing si Sandra ang nabuntis diumano ng aktor. Pero magpahanggang ngayon ay walang kumpirmasyon at pagtatanggi mula sa kampo ng beauty queen.
Mariing pinabulaanan naman ito ni Cesar sa isang panayam noong Mayo ng nakaraang taon, sinabi niyang: “Maybe the rumor-monger is the one who is pregnant.”
Kasabay nito ay mayroon ding lumabas na balita sa ibang pahayagan at online sites na may isa pang babaeng nabuntis diumano si Cesar. Pero patuloy ang pagdi-deny ng kampo ni Cesar ukol sa nasabing isyu.