
Kylie Padilla isn’t transferring to ABS-CBN
by PSR News Bureau
Kuryente ang naging balita na lilipat si Kylie Padilla sa ABS-CBN tulad ng kanyang amang si Robin at stepmother na si
Mariel Rodriguez. Balita kasing gusto daw makasama ni Robin ang anak dahil nakabalik na nga silang mag-asawa sa Kapamilya network. Si Robin ay isa sa mga hurado na ng Pilipinas Got Talent Season 5 samantalang ang asawang si Mariel naman ay nasa noontime show na “It’s Showtime” na rin. Naging very vocal naman si Robin na gusto niyang makasama sa isang proyekto ang anak niyang si Kylie. Napabalita rin na naging interesado ang pamunuan ng ABS-CBN na kunin ang serbisyo ng dalaga dahil magaling ito sa action. Likas kasing mahilig ito sa martial arts at wala siyang katulad na talento mula sa Dos.
Pero walang katotohanan ang sinasabing paglipat ni Kylie dahil balitang makakasama nga daw at bahagi na ng final casting ng remake ng fantaseryeng Encantadia ang magandang aktres sa GMA 7 ngayong taon na ito. Hindi pa man sigurado kung anong magiging papel ni Kylie sa bagong version ng Encantadia, ang sigurado lang ay isa sa lead roles ang ibibigay kay Kylie.
Sinagot nga ang Philippine Showbiz Republic (PSR.ph) ng manager ni Kylie at sinabing: “Okay naman po kamisa GMA 7, wala pong dahilan para umalis kami.” Kinumpirma rin nito na kasama ang alaga sa Encantadia.
“Opo, ang susunod na proyekto ni Kylie ay ang remake ng Encantadia.”
Sa Setyembre ngayong taon kasi ay matatapos na ang kontrata ni Kylie sa Kapuso network. Inalok daw agad sila nitong Enero na gampanan niya ang papel ni Prinsesa Amihan na una nang ginampanan noon ni Iza Calzado.