Ai Ai delas Alas spends time with fans; pleads to spare Jiro Manio from intrigues
by Vance Madrid
Bibihira lang ang katulad ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas na talagang nagbibigay at naglalaan ng oras para magpasalamat at makihalubilo sa kanyang fans na walang-sawang nagbibigay ng suporta sa kanya. Kahapon nga, February 10, ay naimbitahan ang Philippine Showbiz Republic (PSR.ph) sa isang Thanksgiving party na naganap sa Zirkoh Comedy Bar sa Tomas Morato, Quezon City.
Dumagsa ang ilan sa mga loyal fans ni Ai Ai gaya ng AiAiyistas, Aizz Aizz Bebe, Ainatics, AiSing Republic at Ms. AiAi delas Alas Fans at marami pang iba. Nagkaroon ng pagkakataon ang fans na makausap, makamayan, magpa-autograph at magpa-picture sa kanilang iniidolo ng malapitan. Lahat sila ay pinagbigyan talaga ni Ai Ai. May ilang sorpresa rin na ibinigay si Ai Ai sa kanila. Maliban sa mga huggable pillows na mayroong litrato nila ng anak niyang tinaguriang ‘Pambansang Bae-by Boy ng Pilipinas’ at ‘Dramedy actor’ na si Sancho Vito delas Alas, nagpamahagi rin si Ai Ai ng libreng life insurance sa first 100 fans na dumating courtesy of Country Bankers. “Sa hirap ng buhay ngayon, hindi natin masabi, siyempre, mas maganda rin kung mayroon silang maiiwan sa mga minamahal nila sa buhay kapag dumating yung time na hindi natin inaasahan, alam niyo na…,” paliwanag ni Ai Ai.
May ilang contests din kung saan maliban sa gift packs na papremyo ay namahagi rin si Ai Ai ng ilang pera sa mga nanalo sa onstage games. Ang maigsing programa ay pinamunuan ng magaling na voice over and announcer na si Randy Balaguer na kilala rin bilang staunch supporter ni Ai Ai mula pa noon. Nagkaroon din ng unilimited photos mula sa isang photo booth na provided ni Ai Ai. Ipinamahagi rin ang libreng kopya ng Ailabyu Magazine ni Ai Ai upang mas maging updated ang fans sa buhay ng kanilang iniidolo.
Dahil Ash Wednesday din kahapon at bilang isang saradong Katoliko, nagdaos din ng misa sa Zirkoh mismo na dinaluhan din ng fans ni Ai Ai. Sa katunayan, ang Comedy Queen pa nga mismo ang siyang nagbasa ng readings sa bibliya. Madasalin at matibay ang pananampalataya ni Ai Ai sa Diyos at kay Mama Mary. Noong panahon kasi na may delubyo sa buhay nito ay tanging ang Diyos at kay Mama Mary lang kumapit ang Comedy Queen. Ibinahagi rin ng pari na nagmisa na bagamat hindi alam ng ibang tao na maraming tinulungan at patuloy na tinutulungan si Ai Ai na mga seminaristang nag-aaral maging pari at maging ng mga parokya.
Sa isang naging panayam kay Ai Ai, niliwanag nito na bagamat hindi totoo ang mga lumalabas na balita na muling bumalik sa ipinagbabawal na gamot si Jiro Manio, totoo na ibinalik niya ito sa pribadong pasilidad kung saan ito ginagamot. “May sakit si Jiro. Hindi pa siya tuluyang magaling kaya’t kinakailangan kong ibalik siya doon. Pero hindi na siya gumagamit ng bawal na gamot,” kuwento ni Ai Ai na hindi napigilang maging emosyonal nang makiusap ito sa publiko na huwag ikalat ang maling balita tungkol kay Jiro. Hindi pa stable ang takbo ng utak ni Jiro kung kaya’t masakit man sa loob na ibalik ito sa nasabing pasilidad, ito ang pinakamabuting paraan upang matulungan siyang muling makabangon sa buhay.
Binigyang-linaw rin ni Ai Ai na wala ring katotohanan ang balitang masama daw ang loob niya kay Maine Mendoza nang gawin nila ang My Bebe Love #KiligPaMore na MMFF movie nila. Pinabulaanan niya ito, “Pakisabi nga at gamitin ang hashtag na #WeloveMaine” or #AiAiLovesMaine.” Mukhang mayroong gustong manira kay Ai Ai kaya’t ginagawan siya ng isyu para magalit ang AlDub nation sa magaling na komedyana.
Natapos ang gabi nang wala pa ring humpay sa kakahalubilo ng Comedy Queen sa kanyang fans. Nakiusap rin ito sa kanyang mga taga-suporta na huwag kakalimutan na suportahan rin ang kanyang anak na si Sancho na nag-aartista na rin gaya niya. Nagpasalamat rin si Ai Ai sa kanyang mga tagasubaybay, ilang kaibigan gaya nina Nap Guttierez, Lhar Santiago at iba pa na patuloy na nakasuporta sa kanya.