
Bayani Agbayani is happy to be back on TV
by PSR News Bureau

Maliwanag na muli ang mukha ng komedyanteng si Bayani Agbayani. Hindi ito makapaniwala sa suwerteng patuloy na dumarating sa kanya ngayong taong 2016. Matapos kasing lumabas ito sa naging segment niya na Funny One noon sa noontime show na “It’s Showtime,” buong akala ni Bayani na hindi na muli itong mabibigyan ng mga proyekto. Pero hindi pa man tuluyang natatapos ang kanyang papel sa ABS-CBN primetime drama serye na Pangako Sa’Yo ay heto nga’t mayroon na kaagad itong kapalit na programa. Ibig lang sabihin na hindi nawawalan o nababakante ng trabaho ang magaling pa rin naming komedyante.
Sa kabila ng mga pinagdaanan ni Bayani, hindi pa rin naman tuluyang nawawalan ng kinang ang kanyang bituin. Hindi man sa ABS-CBN ipapalabas ang kanyang bagong proyekto, itinuturing pa ring isang malaking blessing ito ni Bayani. Magkakaroon ng isang bagong show ang komedyante sa ABS-CBN Digital Box channel na Cine Mo. Makakasama niya sa Funny Ka Pare Ko na isang comedy series ang aktres na si Karla Estrada, ilang mga Funny One finalists at si Jason Gainza. Ito ay sa ilalim ng direksiyon ni Jon Red.
“Napakasaya ko at saka talagang natutuwa ako. Marami akong dapat ipagpasalamat sa ABS-CBN sa patuloy nilang pagtitiwala sa kakayahan ko,” sabi ni Bayani sa isang naging panayam sa aktor.

Ayon pa kay Bayani, gusto daw nitong ‘buhayin’ ang klase ng komedya ng nasirang Comedy King na si Dolphy na parang ‘John En Marsha’ ang estilo. Gusto daw nilang maging parang ‘bagong Dolphy siya ng telebisyon.’
“Sila [management ng ABS-CBN] naman ang nagsabi, Ngayon ko nga lang nalaman. Kasi sila yung nagsabi, kasi rito hindi naman nila ako pinapatawa. Seryoso ako rito for a change. Ngayon ko lang nalaman na ito pala yung klase ng komedya na dating ginagawa ni Mang Dolphy. At ngayon ko lang napagtanto na sadyang napakahirap palang gawin ito,” bulalas niya. Hindi raw biro ang magpatawa pero mas mahirap pala kung malalim ang mga jokes at situational comedy gaya nga ng estilo ng yumaong King of Comedy.
Sa kabila nito, siniguro naman ni Bayani na mage-enjoy ang mga manonood ng Funny Ka Pare Ko dahil riot daw talaga ang mga pinaggagawa nila ni Karla sa programa.
“Nag-enjoy din akong katrabaho si Karla. Walang dull moments pag magkasama kami. Kwela kasi yung tambalan namin,” sabi pa ni Bayani. “sa totoo lang, nakita ko na sa mag-inang ‘yan, si Daniel [na nakatrabaho na niya sa Pangako Sa’Yo] at si Karla, nakita ko kung paano sila tumulong sa mga tao. Kaya kampante akong mabubuti silang mga tao. Mahilig silang mag-share ng blessings sa kapwa. Kasi ayon sa kanila, bumabalik naman daw sa kanila anuman yung tinulong nila. Siksik, liglig at umaapaw pa,” dagdag pa ng komedyante.
Bukod sa Funny Ka Pare Ko, mayroon pa raw isang sitcom ang nakatakdang gawin ni Bayani sa ABS-CBN. Binabalak din daw ibalik muli ang hit sitcom na Palibhasa Lalaki at ayon sa ilang nakalap na balita ay si Daniel daw ay makakasama sa cast nito at maging ang iba pang matinee idols.

Bagamat umaasa rin si Bayani na muli itong makagawa ng pelikula sa Star Cinema. “Sana, sana makagawa tayong muli ng pelikula kasi nakaka-miss rin,” sabi pa nito. Ayon pa sa kanya, palagi daw niyang sinasabi sa mga kapwa niya komedyante na magtulungan upang makagawa ng isang malaking pelikula. Iyon daw ang pangarap niyang proyekto. Nakausap na nga rind aw niya si direk Bobot [Edgar] Mortiz at interesado rin daw ito sa naturang proyekto.
Pero sa ngayon ay mananatili munang isang pangarap ang kanyang ideya dahil kinakailangan muna na ayusin ang ilang mga bagay. Basta sa ngayon, masaya si Bayani sa bawat blessing na patuloy na dumarating sa kanyang buhay.